Imbestigasyon ng NBI kay Bautista, target tapusin agad

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 08:49 PM | Updated as of Aug 08 2017 11:51 PM

Plano ng National Bureau of Investigation (NBI) na tapusin sa susunod na linggo ang imbestigasyon sa umano'y tagong yaman ni Comelec Chairman Andres Bautista na isiniwalat ng kanyang asawa.

Susuriin ng NBI sa tulong ng Anti-Money Laundering Council at Land Registration Authority ang mga bank account at titulong hawak ni Patricia Bautista, dating maybahay ng Comelec chairman.

Titingnan nila kung talagang sa Comelec chairman nga ang sinasabing nasa P1-bilyong halaga ng pera at ari-arian.

Bagama't nasa batas na hindi maaaring tumestigo ang mga mag-asawa laban sa isa't isa, puwede pa rin umanong gamitin ang testimoniya ni Patricia, lalo't kinasuhan niya ang asawa ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act sa Taguig. 

Nilinaw naman ni Vitaliano Aguirre ng Department of Justice na kahit may legal immunity si Bautista bilang Comelec chairman, maaari pa rin siyang imbestigahan at makasuhan pagkatapos ng kanyang termino.

Bukod sa yaman ni Bautista, sasaklaw din ang imbestigasyon sa mga naging transaksiyon umano niya at ng Divina law firm.

Binigyan na rin ng NBI at Philippine National Police si Patricia ng seguridad. 

Balak din ng NBI na ipatawag ang ilan sa mga empleyado ni Chairman Bautista at ang kanyang dating asawa para linawin ang mga nauna niyang sinabi sa kanyang affidavit. May mga tanong pa kasi ang ahensiya kay Patricia tungkol sa kanyang mga natuklasan, tulad ng sa Smartmatic. 

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.