Delivery truck tumagilid sa Quezon Ave.

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 08:56 AM | Updated as of Aug 08 2017 12:10 PM

MANILA - Nagsikip ang trapiko sa westbound lane ng Quezon Avenue sa Quezon City makaraang tumagilid ang isang delivery truck doon, Martes.

Maghahatid sana ng yelo sa Maynila ang truck ng R & B Tube Ice nang magpagewang-gewang ito at matumba sa tapat ng Fisher Mall.

Ani Mark Casa, driver ng sasakyan, hindi kumagat ang preno ng truck dahil sa sobrang bigat ng karga nito.
 
Hanggang dakong alas-8 ng umaga, hindi pa rin naitatabi ang naaksidenteng sasakyan, dahilan para maging bumper-to-bumper ang trapiko sa lugar.

Samantala, sugatan naman ang 4 na indibidwal matapos bumangga ang isang sasakyan sa nakaparadang backhoe truck sa tapat ng kalapit na Trinity University of Asia sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City.

Kwento ng mga saksi, mabilis ang takbo ng Toyota Vios sa westbound lane ng naturang kalsada.

Bigla na lang anila nitong sinakop ang eastbound lane at sinuyod ang mga orange cones o warning devices hanggang sa tuluyang bumangga sa backhoe.
 
Pumailalim pa sa truck ang Vios, dahilan para mabasag ang windshield nito at mayupi ang hood.

Isinugod sa ospital ang lalaking driver ng Vios at kanyang 3 pasaherong babae.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.