Benepisyo sa libreng matrikula, bayan din ang aani: CHED

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 02:50 PM

Tiniyak ni Commissioner Prospero De Vera ng Commission on Higher Education (CHED) na babalik sa bayan ang ipupundar ng pamahalaan ng libreng tuition sa pagsasabatas ng Republic Act 10931 o and “Universal Access to Quality Tertiary Education Act.”

“Hindi ba gusto natin na mas maraming Pilipino ang makapag-aral para maging productive citizen sila ng bayan? Yung tulong ng pamahalaan sa kanila hindi lang sila ang nakikinabang dyan. Pagdating ng panahon, bayan din ang nakikinabang dahil gainfully employed ang mga Pilipino,” sabi niya.

Hinikayat din niya ang mga economic managers na umikot sa mga malalayong unibersidad at kolehiyo sa bansa at pulsuhan ang mga magaaral doon.

“Tingnan ninyo kung paano sila manamit, ano kinakain nila. Makikita mo na kailangan nila ng tulong. Wag naman po natin ipagkait ang tulong ng pamahalaan sa kanila,” sabi ni De Vera sa panayam sa DZMM nitong Martes ng umaga.

Ayon kay De Vera, lahat ng estudyante ay kuwalipikado sa libreng tuition basta’t mayroon silang good standing sa mga state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).

“Ibig sabihin, pumasa sila sa admission requirement ng eskuwelahan at pumapasa sa retention requirement nung eskuwelahan. Yan yung pinaka base,” sabi niya.

Sinabi niya na ang umiiral na implementing rules and regulations para sa P8-bilyon badyet sa free tuition sa school year 2017 - 2018 ang gagamiting template sa pagbalangkas ng IRR para sa mas malawak na batas sa free tuition and free miscellaneous para sa school year 2018 to 2019. 

“Ang lalagyan ng pondo na pagtutulong-tulungan ng DBM [Department of Budget and Management], CHED at House and Senate ay yung June 2018 school year kasi wala na tayong pondo para diyan kasi nasa 2017 lang ang P8-billion,” paliwanag niya.

Nakalista din sa batas ang miscellaneous fees na hindi pwedeng kolektahin na tinatawag na standard miscellaneous fees gaya ng ID, laboratory at iba pa.

Para sa unang taon, tiyak ang libreng tuition at miscellaneous sa higit sa 100 SUCs at 16 na LUCs na pumasa sa quality standards ng CHED.

“16 lang out of 111 ang na-certify so far ng CHED, so yung ibang ice-certify pa siguro sa mga susunod na taon na maka-qualify. May pera pa naman from the P8-B na inilagay sa 2017 budget. Hindi pa ubos yan,” sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.