Asawa ng Comelec chairman, naglabas ng 'pruweba ng komisyon'

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 06:57 PM | Updated as of Aug 08 2017 11:46 PM

Ipinakita ng asawa ni Commission on Elections Chairman Andres 'Andy' Bautista ngayong Martes sa programang ANC Headstart ang mga passbook at mga sobreng naglalaman ng pera na sinasabing pagmamay-ari ng kanyang asawa.

Samantala, itinanggi naman ng chairman ang mga alegasyon sa kanya ng asawa, kasama na ang pagtanggap umano niya ng komisyon mula sa halalan noong Mayo. 

Ilan sa mga ipinakitang dokumento ni Patricia 'Tish' Bautista ay isang passbook para sa dalawang branch ng Luzon Development Bank na nagkakahalaga ng P300 milyon.

Iginiit pa niya na nasa sulat-kamay ng Comelec chair ang mga dokumento, at sinabing nag-deposit umano ang asawa ng P500,000 araw-araw noong 2014 sa mga nabanggit na passbook. 

Aniya, kuwestiyonable ang mga halagang nadiskubre niya dahil ang statement of assets, liabilities, and net worth ng kanyang asawa noong 2016 ay nasa P176 milyon lamang.

Dagdag pa ni Atty. Martin Loon, abogado ni Mrs. Bautista, kataka-taka rin ang mga halagang ito dahil ang mga dokumentong ito ay mula noong panahong nagtatrabaho sa gobyerno ang Comelec chair. 

Ipinakita rin Mrs. Bautista ang mga sobreng sinasabing payslips na naglalaman pa ng pera para sa umano'y empleyado ng Presidential Commission on Good Governance. Nang tanungin daw nito ang asawa ukol dito, sinabi nitong mga lumang sobreng ginamit lang muli ang mga iyon. 

Komisyon mula sa halalan?

Isang dokumentong nagpapakita ng umano'y natanggap na komisyon noong Enero 2016 at may pangalan ng mga abogado mula Divina Law at Smartmatic ang ipinakita rin ni Mrs. Bautista.

Hawak din niya ang sulat mula kay Smartmatic General Manager Elie Moreno para sa kanyang asawa, at binabanggit nito ang ilang pagbabago sa Omnibus Election Code of the Philippines. 

"I’m not a lawyer, but why would Smartmatic, why would they pay Divina Law to help prepare drafting of proposed amendments to our Omnibus Election Code?" ayon kay Mrs. Bautista. 

Natagpuan ang mga dokumentong ito sa bahay nina Bautista, ayon kay Atty. Loon. Isinumite na umano ang mga ito sa National Bureau of Investigation upang maimbestigahan. 

'P260 milyon, hiningi para sa mga anak, pantubos ay katahimikan'

Nilinaw din ni Mrs. Bautista ang bintang na nangingikil umano siya ng P620 milyon kapalit ng hindi nito pagbubunyag sa publiko ng kanyang mga alegasyon sa asawa. 

Aniya, P260 milyon lamang ang kanyang hiningi bilang pondo para sa kanyang mga anak, ngunit hindi umano ito ibibigay sa kanya hangga't hindi raw siya pumipirma sa kasunduan kung saan dapat siyang manahimik kapalit ng halagang ito. 

Sabi ni mister...

Itinanggi naman ni Comelec Chair Bautista ang mga alegasyong ito. 

"Wala po akong tinanggap na komisyon, kahit na isang kusing tungkol sa isang halalan. Totoo po iyun -- wala," aniya sa panayam sa ABS-CBN News. 

Dagdag pa niya, layon lamang ng mga alegasyong ito na sirain ang integridad ng eleksiyon noong 2016 na kanyang pinamahalaanan. 

"Ang binabahiran ay hindi lang ako, ang Comelec, kung di pati ang eleksiyon natin noong 2016."

Kasalukuyan din daw siyang nakararanas ng 'emotional trauma' dahil kay Mrs. Bautista na nangingikil umano sa kanya at may kabit din daw mula pa noong 2013. 

"Nagulat ako. Sa totoo lang, hindi ko akalain na gagawin niya 'to kasi 'yon nga, hindi makakabuti sa mga anak namin ito eh. Matagal na kaming may problemang mag-asawa, at well, nasabi ko na rin, siya po ay, well, parang nakahanap na ng iba," ayon kay Bautista. 

Ayon naman kay Mrs. Bautista, ginagawa lamang niya ito dahil umano sa ito ang alam niyang tama at upang protektahan ang kanyang mga anak. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.