30,000 'bakwit', apektado ng giyera sa Marawi ang pag-iisip

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 10:29 PM | Updated as of Aug 08 2017 11:45 PM

Matindi na ang epekto ng mahigit dalawang buwang sigalot sa Marawi sa pag-iisip ng mga 'bakwit'.

Itinuturing na ring krisis ang dumaraming bilang ng may mental disorder sa Marawi City.

Ayon sa Provincial Crisis Management Committee, 30,732 na ang naitalang may matinding depression at pagkabaliw.

Sa bilang na 'yan, pinakamarami ang nasa 'level 3' ng mental health disorder.

Itinuturing na pinakamalalang pagkabaliw ang 'level 5', pero wala namang naitala pa sa ilalim nito mula sa Marawi.

Kabilang sa mga naitalang 'nawala' sa matinong pag-iisip ang mag-tiyuhing sina alyas 'Usman' at 'Kalid'.

Mula nang sumiklab ang gulo sa Marawi, nawalay si Usman sa kaniyang asawa at mga anak. 

Kapag kinausap si Usman, kung ano-ano ang kaniyang sinasabi.

Ang alam din ni Usman, walang giyera sa Marawi at normal na namumuhay ang mga residente roon.

Ganito rin ang takbo ng pag-iisip ng kaniyang pamangking si Kalid na sinabi pang natutuwa siya sa mga nangyayari ngayon sa Marawi.

Nananawagan ang Provincial Crisis Management Committee sa mga ahensiya ng gobyerno na pagtuunan din ang mental health ng mga bakwit.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.