1 patay, 1 sugatan sa banggaan ng motorsiklo at karitela sa Tuguegarao

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 09:21 PM

Lumiyab ang isang pampasaherong bus matapos umanong magulungan ang motorsiklong bumangga sa isang karitela sa Tuguegarao City, Martes ng umaga.

TUGUEGARAO CITY – Isa ang patay at isa ang sugatan sa banggaan ng motorsiklo, karitela at bus sa kahabaan ng national highway sa Barangay Gosi Sur dito umaga ng Martes.

Lumabas sa imbestigasyon na lulan ng motorsiklo ang arkitektong si Noriel Parallag, 38, na binabagtas ang national highway, alas-5 ng umaga.

"Sinusundan niya 'yung karitela tapos dahil sa walang flasher o reflectorized [sticker] 'yung karitela, nabangga nung motorsiklo 'yung karitela,” ani SPO1 Dennis Calucag ng Tuguegarao City Police.

Sa lakas ng impact, nahulog si Lorenzo Canaya, 79, mula sa kalabaw na humihila sa karitela. Nagtamo ito sugat sa mukha.

Nawalan naman ng kontrol si Parallag sa kaniyang motorsiklo at tumilapon sa kabilang linya ng kalsada, kung saan paparating ang isang pampasaherong bus na papuntang Gonzaga, Cagayan. 

Nagulungan umano ng bus si Parallag at ang kaniyang motorsiklo.

"Mga 20 meters ang layo nung nakita ko, sinubukan kong ilagan 'yung biktima pero 'yung motorsiklo nagulungan ko,” ani Walter Paule, driver ng bus.

Nagliyab ang bus dahil sa pagkakasadsad. Hindi kinayang maapula ito ng fire extinguisher at halos maabo na ang bus sa lakas ng apoy.

"Tumagas 'yung gasolina ng motor, nag-cause ng friction kaya sumabog,” ani Calucag.

Nakalabas naman ng bus ang sakay na 15 pasahero bago pa man lumaki ang sunog.

Samantala, binawian ng buhay ang drayber ng motorsiklo habang ginagamot sa ospital.

Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang magsasakang may-ari ng karitela.

Payo ng pulisya, mag-doble ingat ang mga motorista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.