Witness sa shabu shipment mula China, nagturo ng mga 'sinuhulan'

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2017 06:11 PM | Updated as of Aug 08 2017 12:33 AM

(UPDATE) Ibinunyag ng isang witness sa imbestigasyon ng shabu shipment mula China ang mga pangalan ng opisyal na sangkot umano sa suhulan sa Bureau of Customs (BOC).

Sa House inquiry, ipinaturo kay Customs broker Mark Taguba ang mga opisyal na nasa kaniyang listahan ng tumatanggap ng "tara" (grease money).

Narito ang mga pangalang binanggit ni Taguba:
-Deputy Commissioner Atty. Teddy Raval
-Manila International Container Port District Collector Atty. Vincent Philip Maronilla
-Customs Intelligence & Investigation Services Director Neil Estrella
-Customs Intelligence & Investigation Services Officer Teddy Sagaral
-Imports and Assessment Service Director Milo Maestrecampo
-"Major Gutierrez" (yumao na)
-"Maita Acevedo"
-"Jason"

Itinanggi ng mga opisyal ang alegasyong sangkot sila sa suhulan sa Customs. 

"'Yun pong akusahan kami dito na kami ay tumatanggap ng pera kay Mr. Mark Taguba para ho nakalabas po ang shipment na 'to. Eh ang una kong tanong kung kami po ay tumanggap ng pera, bakit pa po namin hinuli 'yung shipment na 'to?" pahayag ni Estrella. 

Sinabi naman ni Maestrecampo na hindi niya kilala si Taguba. Aniya, "Wala nga akong pangalan dito. Tita Nani ang nakalagay, tapos nung tinanong, inutusan siguro ng boss niyan... I am not receiving money from elicit activities. I'm contented with my sahod."

Handa rin umanong isumite ni Maestrecampo ang kanyang sarili para sa anumang imbestigasyon at bumaba sa kanyang itinalagang posisyon sa BOC.

Pero niliwanag ni Taguba na may ibang kumukubra para sa mga tinuro niya. 

Matapos ang rebelasyon ni Taguba, humiling si Rep. Fredenil Castro sa House na magbigay ng seguridad sa witness. 

Hiningi rin ng mga mambabatas kay Taguba ang kanyang listahan ng mga opisyal na wala sa nasabing hearing.

Nakiusap si Taguba na ilagay siya sa Witness Protection Program.

Pinatawag naman sa susunod na pagdinig si "Tita Nani" na ayon kay Deputy Speaker Miro Quimbo ay si Hernani Co ng In Auction Division.

Sa mga tanong ni Quimbo, lumabas na marami pang ibang nabibigyan ng suhol.

May tinukoy rin si Taguba na kumukubra para sa tanggapan ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Ikinagalit din ni Quimbo na wala sa pagdinig sina Kenneth Dong, ang consignee ng shipment na nahulihang may shabu at Faeldon dahil sa dental emergency.

Atleta bilang technical assistants 

Humarap naman sa hearing ang mga basketball at volleyball players na kinuha ng Customs bilang 'intelligence agents' at 'technical assistants'. Pero lumalabas na kinuha talaga sila para pagandahin ang imahe ng ahensiya.

Pinuna naman ng mga mambabatas kung saan sa budget kinuha ang pangsuweldo nila sa mga atleta at kung paano nasusukat ang trabaho ng mga atleta. 

Itutuloy ng House ways and means committee ang imbestigasyon sa Miyerkoles.

--May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.