Pulis na umanib umano sa Maute, matagal nang AWOL: 'Bato'

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2017 02:12 PM

MANILA - Matagal nang wala sa serbisyo ang pulis na hinihinalang umanib sa mga teroristang Maute na kumubkob sa Marawi City, inanunsyo Lunes ng Philippine National Police.

Ayon kay PNP chief, Director General Ronald "Bato" dela Rosa, taong 2014 pa nang mag-absent without leave (AWOL) ang naturang pulis.

"Nag-AWOL siya, 2014 pa lang. After that, wala na tayong alam sa kanyang whereabouts," sinabi ni Dela Rosa sa mga mamamahayag sa Camp Crame.

Binanggit din ni Dela Rosa na nagbalik Islam ang naturang pulis.

Gayunman, sinabi ng PNP chief na tinitiyak pa kung pag-aari nga ng naturang pulis ang ID na nakuha kamakailan sa Marawi.

"Hindi pa natin ma-confirm talaga kung siya iyung may hawak ng ID niya kasi pwede namang ibigay sa ibang tao iyung ID, pwede namang ma-recover kahit saan iyung ID."

Dagdag niya, may iba pang kawani ng PNP ang iniimbestigahan dahil sa posibleng kaugnayan sa mga terorista.

Marso 23 nang lusubin ang Marawi ng mga teroristang naiuugnay sa Islamic State, dahilan para isailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa batas militar ang buong Mindanao.

Halos 700 na ang nasawi dahil sa bakbakan sa Marawi. -- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.