Pilipinas, agrabyado sa South China Sea code of conduct: maritime expert

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 01:52 AM

Hindi binanggit kung dapat maging "legally binding" ang bubuuing code of conduct sa South China Sea, na ang ibig sabihin ay maaaring ilapit sa korte para maghabol kung may hindi pagkakasundo ang mga bansang umaangkin sa lugar na iyon. 

Ito ang lumabas sa napagkaisahang pahayag ng foreign ministers ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na nagpulong sa Maynila. 

Sa kanilang 'joint communique', binanggit ng mga kalihim ng mga bansang miyembro ng ASEAN ang tungkol sa pagkabahala sa ginagawang land reclamation sa South China Sea, at sa kahalagahan ng pag-iwas sa militarisasyon ng lugar. Pero walang binanggit na magiging legally binding ang bubuuing code of conduct sa karagatan. 

Inaprubahan ng ASEAN at Tsina ang balangkas ng isang code of conduct na layong iwasan ang gulo sa South China Sea. 

Inaasahang magsisimula na ang negosasyon sa lalamanin ng code ngayong taon, pero may kondisiyon ang Tsina.

Ayon kay Foreign Minister Wang Yi, dapat munang maayos ang sitwasyon sa South China Sea at walang "major disruption" mula sa mga partidong walang kinalaman sa sigalot.

Ipinagpapalagay ng maraming mga eksperto na panalo ito ng Tsina laban sa ASEAN, kasama ang Pilipinas, dahil nagawa nitong palabnawin ang paninindigan ng grupo tungkol sa isang code of conduct. Instrumento sana ang code para maresolba kung may mga di-pagkakaunawaan. 

Taong 2002 unang nabuo ang dokumentong nagtutulak ng pag-uusap para bumuo ng code of conduct. Sa pagitan niyan at ng mga pulong kamakailan sa Maynila, tila nagtagumpay daw ang China na daanin sa kombinasyon ng pagpapakita ng laki at lakas nito, at ng pamimigay ng tulong o ayuda para buwagin ang determinasyon ng ASEAN na mag-usap na tungkol sa South China Sea. 

Para kay maritime expert Jay Batongbacal, agrabyado ang ASEAN at ang Pilipinas sa kasunduan dahil nakapagtayo na ang Tsina ng mga artificial na isla sa pinag-aagawang teritoryo.

Kasama sa mga naipatayo ng Tsina ang runway at missile systems, mga bagay na layon sanang ipagbawal ng code of conduct.

Ayon sa joint statement ng Amerika, Japan, at Australia, dapat gawing 'legally binding' ang gagawing code of conduct at sinabihan ang Pilipinas at Tsina na sundin ang desisyon ng arbitral tribunal ukol sa mga karapatan sa dagat. 

Napag-usapan din ng mga foreign minister ang pagtutulungan para labanan ang terorismo at paggamit ng social media para labanan ang propaganda ng mga terorista. 
 
Sa pulong naman nina Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano at North Korean Foreign Minister Ri Yong-ho, pormal na ipinarating ng ASEAN ang pagkabahala sa mga missile at nuclear test.

-- Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.