Budget ng mga ahensiya, maaaring tapyasan para sa libreng tuition sa kolehiyo

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2017 08:56 PM | Updated as of Aug 08 2017 01:06 AM

Posibleng tapyasin ang 2018 budget ng ilang ahensiya ng pamahalaan para pondohan ang libreng tertiary education sa state universities and colleges (SUCs) at technical-vocational institutions. 

Tinatayang nasa P100 bilyong piso ang kakailanganin ng pamahalaan para pondohan ang libreng tertiary education ng halos 2 milyong estudyante.

Pero wala pang nakalaang pondo para dito sa ilalim ng panukalang 2018 national budget.

Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno maaaring tapyasan ang pondo ng ilang ahensiya ng pamahalaan na may malaking budget o kumurot sa pondo ng lahat ng ahensiya, para magamit sa pagpapatupad ng libreng tertiary education.

"There has to be adjustments. Kasi zero-sum game 'yan eh. Fixed na yung total mo. There will be some cuts here and there to accommodate additional requirements," ani Diokno.

Bukas si Senate Majority Leader Vicente Sotto III sa pagtapyas sa pondo ng mga ahensiya na bigong gamitin ang inilaang kabuuang budget nitong mga nakaraang taon.

Gayundin si House appropriations committee chairman Rep. Karlo Nograles.

"We see that there are some projects and programs that are not being totally funded, that they are under utilizing the funds then they have to suffer some cuts," ani Nograles.

Pero sabi ni Sotto, mas mainam kung ang mga ahensiya na mismo ang boluntaryong magbabahagi ng budget para sa libreng tertiary education, tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), kung aayon ito sa kanilang charter.

Ayon kay Sotto, isa pang puwedeng pagkuhanan ng pondo ang umano'y pork barrel ng mga mambabatas.

Nakatakdang magpulong sa Miyerkoles ang Department of Budget and Management, mga mambabatas, at kinatawan ng Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, at UP System para pag-usapan ang aktuwal na pondong kakailanganin para ipatupad ang bagong batas.

Magiging epektibo ito sa susunod na school year at ayon kay Diokno, sakop ng batas ang lahat ng mag-aaral sa SUCs at technical vocational institutions -- mahirap man o mayaman.

--Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.