Pondo para sa libreng matrikula sa state universities, colleges, maaaring kunin sa 'tax reform package'

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2017 07:25 PM

Naghahanap na ng pondo ang Kamara para sa libreng tuition sa state universities at colleges (SUC) matapos pirmahan ni Pangulong Duterte ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act nitong Huwebes, Agosto 3.

Ayon kay House committee on appropriations chairman at Davao City Rep. Karlo Nograles, nasa P16 billion ang proposed budget ng Kongreso para sa libreng tuition.

Titingnan pa ngayon ang mga ahensiya na 'underspending', 'underperforming' at mga programang hindi pa ginagastos ang pondo.

"Right now, inatasan ang committee ko na tingnan kung ano iyong na-allocate na funds for 2018 scholarship programs. Marami kasi ang nakakalat sa mga ahensiya, like DOST, DSWD, CHED. I-account namin ito lahat," ani Nograles.

Tinitiyak din niyang magiging sapat ang pondo na ilalaan para sa libreng matrikula sa mga darating na taon.

Dagdag niya, malaking tulong sa pagpondo nito kung tuluyan nang aaprubahan ng Kongreso ang tax reform package.

Sa ngayon, inaabangan pa ang magiging bersiyon ng Senado sa panukalang pag-amyenda sa buwis.

Samantala, nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang mag-aaral ng University of the Philippines-Tacloban nito ring Agosto 3 para ipanawagang magtuloy-tuloy ang libreng matrikula sa mga SUC, at hindi lang daw sana para sa isang school year.

-- Ulat nina Jenette Ruedas at Pauline Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.