Napatay na konsehal, dating iniugnay sa pagpatay sa race car driver

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2017 01:49 PM | Updated as of Aug 06 2017 09:32 PM

Sinisilip na ngayon ng pulisya ang iba't ibang kasong kinasangkutan ng konsehal na napatay sa isang mall sa Las Piñas para matukoy ang motibo sa krimen.

Pangulo ng Liga ng mga Baranggay sa Pasay si konsehal Borbie Rivera na binaril ng isang lalaki sa driveway ng SM Southmall nitong Sabado, Agosto 5.

Nasa kaniyang wheelchair noon si Rivera nang pagbabarilin.

Nagkaroon ng komosyon sa lugar nang magpaputok din ng baril ang mga bodyguard ng konsehal.

Video Courtesy: Erin Brim

Video Courtesy: Tyson Ram Buenavidez Eliseo

Ayon kay Southern Police District Director Chief Supt. Tomas Apolinario, iimbestigahan nila kung maituturing na 'narco-politician' si Rivera base sa kaniyang mga record sa pulisya at kung nauugnay ba siya sa ilegal na droga.

Lumalabas na dati palang inaresto si Rivera matapos masangkot sa pamamaril sa Pio del Pilar sa Makati kung saan napatay ang isang Mark Lizardo Banggang at nasugatan ang iba pa.

Nadawit din ang pangalan ni Rivera sa pagpatay sa race car driver na si Enzo Pastor noong Hunyo 2014.

Sa isang sworn statement na inilabas ni Alvin Nidua na umaming isang 'gun for hire', una aniya siyang nilapitan ni Rivera at kaibigan niyang si Police Insp. Efren Oco na umano'y konektado sa 'Ozamis Robbery Holdup group' para patayin si Pastor.

Tumanggi umano si Nidua dahil hindi sila nagkasundo sa presyo.

Nang tanungin si Nidua kung sino ang posibleng pumatay kay Pastor, sinabi niyang ang tanging may kakayahan para gawin ang pagpatay ay ang bodyguard ni Rivera na isang nagngangalang "Maynard."

Una nang tinambangan si Rivera nito lamang Hunyo 23 sa Pasay City habang sakay ng kaniyang sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at kung sino ang nasa likod nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.