Modelo, nilansi, inilagay sa bag, pinatubos

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2017 06:42 PM

Inaresto ng mga pulis sa Italy ang 30 anyos na lalaking suspek sa pagdukot sa isang modelong Briton habang nasa Milan.

Ayon sa pulisya, dumating sa Milan, Italy ang babaeng modelo nitong Hulyo 10 para sa isang photo shoot na idinaan sa ‘agent’ o kinatawan ng modelo.

Pero nang dumating ang modelo sa mismong studio para sa pictorial, bigla umanong inatake ang babae, ginamitan ng droga para di makapanlaban, at inilagay sa loob ng isang bag.

Inilarawan ng pulisya kung paano inilagay sa bag ang babaeng biktima.

Matapos nito, inilagak ang bag sa trunk ng sasakyan at saka ibiniyahe ang biktima papunta sa isang tagong lugar.

Tinukoy ang suspek sa pagdukot bilang si Lukasz Pawel Herba, residente ng Great Britain.

Suspek si Lukasz Pawel Herba sa pagdukot at pagpapatubos sa isang modelo.

Ayon pa sa pulisya, nagbanta ang suspek na ibebenta online ang biktima kung hindi babayaran ng kampo ng modelo ang hinihingi niyang ransom na $300,000 o katumbas ng mahigit P15 milyon.

Hindi umano nagbayad ng ransom ang kampo ng biktima.

Nitong Hulyo 17, pinakawalan ng suspek ang biktima at sinamahan pa sa British consulate sa Milan, Italy.

Wala pang tugon ang suspek sa mga alegasyon laban sa kaniya.

-- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.