Mga kolorum tricycle drivers, dumadaing sa pagsira ng side car nila

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2017 04:21 PM | Updated as of Aug 06 2017 09:43 PM

Dumadaing ang mga may-aring driver ng mga kolorum tricycle unit sa Quezon City matapos kumpiskahin at sirain ng pamahalaang lungsod ang kanilang mga side car.

Anila, pinatubos na lang sana ang mga side car dahil handa naman silang sumunod sa mga patakaran para magkaroon ng prangkisa ang kanilang mga pinapasadang tricycle.

Umabot sa 83 side car ng mga kolorum na tricycle unit mula sa Barangay Tatalon, Valencia, Silangan at South Triangle ang mistulang mga latang dinurog ng backhoe.

Kinumpiska ng Department of Public Order and Safety ng lungsod ang mga kolorum na tricycle unit dahil wala itong mga prangkisa. Tanging mga motorsiklo lang ang maaaring tubusin sa halagang P3,000.

Ayon sa tricycle driver na si Danilo Pascual, hindi makatao ang agawan sila ng hanapbuhay na 10 taon na niyang ipinangsusuporta sa pamilya.

Dagdag naman ng ilang mga driver na nahulihan ng kolorum na tricycle, handa silang iparehistro at ikuha ng prangkisa ang kanilang mga unit kung nabigyan ng pagkakataon.

Agad namang nilinaw ng tanggapan ng Tricycle Regulatory Division ng Quezon City ang kanilang binibigyan ng permit.

“Dito sa Quezon City dalawa lang ang binibigyan namin ng permit pangpasada at yung delivery. Maski na ginagamit mo na wala kang permit ng delivery binigyan ka namin gaya ng sa softdrinks at tubig. Kaya ang dami naming hinuhuli ginagamit nilang private pang school service,” ani Robert Dela Cruz, officer-in-charge, Tricycle Regulatory Division.

Kinondena naman ng grupong Kadamay ang pagsira sa mga sidecar.

Patuloy naman ang isasagawang panghuhuli ng Tricycle Regulatory Division ng lungsod laban sa mga kolorum tricycle units na umaabot mula 5,000-10,000.

--Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.