Libreng check-up, operasyon sa mata, isinusulong ng DOH para iwas pagkabulag

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2017 02:23 PM

Bukod sa "Buwan ng Wika", ginugunita rin ngayong Agosto ang "Sight Saving Month" na layong paigtingin ang kaalaman ng publiko sa kahalagahan ng tamang pangangalaga sa mata gayundin ang pag-iwas sa mga sakit sa paningin.

Nitong Linggo, Agosto 6, nagkaroon ng parada ang mga miyembro ng Department of Health (DOH) kasama ang Disease Prevention and Control Bureau-Essential Non-Communicalble Disease Division at iba pang partners.

Sa paradang tinawag na "Walk for Sight 2017", naglakad mula CCP complex papuntang Rizal Park ang mga kalahok.

Ayon kay Health Sec. Paulyn Ubial, layon din ng taunang programa na magbigay pugay sa mga opthalmologist at iba pang espesyalistang nangangalaga sa paningin ng mga pasyente.

Pinaplano na ng DOH, katuwang ang iba pang organisasyon, ang pamimigay ng mga libreng salamin o antipara, pati na rin ang libreng operasyan sa katarata.

Base sa isang report ng World Health Organization, nasa 285 milyong indibidwal sa buong mundo ang may problema sa paningin, kabilang na ang 39 milyong bulag.

Nangungunang dahilan ng pagkabulag ang katarata.

Sa Pilipinas, mahigit 332,000 ang naitalang bulag ngayong 2017.

Para matugunan ang mga problema sa paningin ng masa, binalangkas ang bagong National Policy on the Prevention Program on Blindness na alinsunod din sa kasalukuyang Philippine Health Agenda.

Dagdag pa ni Ubial, nais niyang magkaroon ng libreng annual eye check-up para sa mga Pilipino nang sa gayon, matugunan agad ang mga nakikitang sakit sa mata bago pa ito lumala.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.