Daan-daang estudyante, binulabog ng pagsabog

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2017 03:57 PM | Updated as of Aug 06 2017 09:40 PM

Binulabog ng pagsabog ng mga bomba ang dalawang barangay sa Marantao, isang munisipalidad na kalapit lang ng Marawi City kung saan nagpapatuloy ang bakbakan ng militar at teroristang Maute.

Ayon sa mga awtoridad, hindi bababa sa anim na bomba ang pinasabog sa Marantao.

Sumabog ang isa sa mga bomba sa bakod ng isang paaralan sa Barangay Ragaya kung saan 480 estudyante ang may klase nitong Linggo, Agosto 6.

Karaniwang may klase sila roon tuwing Linggo, kapalit ng Biyernes na wala silang pasok.

"Noong sumabog iyong bomba, kung saan-saan napunta mga bata, may nadapa, hinimatay iyong iba, pinupulot namin umiiyak" ani Nasser Dimapinto, presidente ng CACSI Integrated School na apektado ng pagsabog.

Wala naman daw sugatan sa pagsabog sa eskuwelahan.

Sumabog din ang isa pang bomba sa bahay ni United Nations World Food Programme Officer Baicon Macaraya.

Ayon sa caretaker ng bahay, ilang metro lang ang layo sa kanya ng pinagbagsakan ng bomba.

"Papalapit sana ako, bubuksan ko ang gate, bigla na lang pumutok (ang bomba), masyadong malakas, medyo nawala ako sa sarili ko, napatalon ako bigla," kuwento ng caretaker.

Siya lang ang nasa bahay dahil wala ngayon sa Marantao ang pamilya Macaraya.

Laking pasalamat naman ng residenteng si Nabel Mohamadali na hindi sumabog ang bombang nahulog sa kanilang bahay.

"Noong palabas na kami [sa bahay] ng kapatid ko, biglang may pumasok na bomba. Buti na lang di sumabog, kung hindi patay na kami." ani Mohamadali.

Napalikas naman ang nasa 100 residente sa Barangay Matampay nang may sumabog na bomba sa isang komunidad.

Pansamantala muna silang tumuloy sa munisipyo.

Ayon kay Muhammad Abinal, chief of staff ng alkalde ng Marantao, posibleng kaso ng 'ligaw na bomba' ang mga pagsabog dahil ilang kilometro lang ang layo nila mula sa bakbakan ng militar at Maute.

Dagdag pa ni Abinal, walang terorista sa kanilang lugar, pero nakahanda umano silang harapin ito kung saka-sakali.

"Kaming mga taga-Marantao lalaban kami sa ISIS, magpatayan kami pati mga barangay chairman namin," ani Abinal.

Ayon naman sa tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi na si Capt. Jo-Ann Petinglay, nanggaling sa mga terorista ang mga bomba.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng militar, ganti ng mga terorista ang mga pinakawalang pasabog.

Inaalam na kung ano ang eksaktong lokasyon ng mga kalabang nagpasabog sa Marantao.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.