14 anyos na binatilyo, nawawala

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2017 02:13 PM | Updated as of Aug 05 2017 07:42 PM

Hindi na nakabalik ang 14 anyos na si Nash Clariza isang araw mula nang umalis ang binatilyo sa bahay noong hapon ng Hunyo 3, 2017.

“Hanap ako nang hanap sa anak ko't papasok [na]. Sabi ko nga, bakit kaya hindi umuuwi 'yung anak ko, eh Lunes na, araw na ng pasukan, hindi pa dumadating,” ayon sa lola ng binatilyo na si Janet Pascacio. “Ngayon lang nangyari sa 'kin 'yong ako’y kinakabahan.”

Ayon naman sa mga kaibigan ni Clariza, may ilang pagkakataong nagiging mapusok ang binatilyo, pero wala namang nag-aakalang maaaring masangkot ito sa isang gulo. 

“Sa pakikisama po, huli niya po 'yong mga gusto ko. Kaya di po kami nag-away o nagtalo maski isang beses po,” ayon sa kaibigan ni Clariza na si Angelo 'Longlong' Adoviso.

“[Pero] meron [siyang] pinagti-tripan [na kaibigan niya]. Nahihiya naman po akong [pagsabihan] si Nash,” dagdag niya.

“Nagpunta po [siya minsan sa bahay namin], tumawag sa 'kin, 'Longlong, Longlong!' Tapos lumabas ako, sabi ko 'Bakit?' 'Tulungan mo nga kami, may susuntok kasi sa barkada ko, may babanat.'”

“Lumabas po ako, nakita ko silang dalawa. Kakilala ko po 'yong babanat sa barkada niya. Sinabihan ko po 'wag pong banatan kasi barkada ko. Tapos pinalampas na lang po nila.”

Umaga naman ng Hunyo 4, 2017 nang may matagpuang bangkay ng isang batang lalaki sa isang sapa sa Brgy. Balian, Pangil, Laguna. Palaisipan na noon ang pagkakakilanlan ng biktima.

“Hindi po namin makilala kasi po 'yong mukha niya talagang basag. Hirap talagang kilalanin nung mukha,” ani Nervin Garcia, isa sa mga nakakita ng bangkay.

Nasaan na nga ba si Clariza? Sino naman ang biktimang nakita sa sapa, at ano ang motibo sa krimen? Subaybayan ang buong kuwento ngayong Sabado sa SOCO (Scene of the Crime Operatives) pagkatapos ng 'Ipaglaban Mo!' sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.