Multa sa ospital na inuuna ang bayad kaysa lunas, itinaas

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2017 07:15 PM

Pinirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte at ganap nang batas ang panukalang taasan ang multa para sa mga ospital at klinikang tumatangging magbigay ng lunas sa mga emergency o seryosong kaso dahil sa kawalan ng deposito ng pasyente. 

Sa ilalim ng Republic Act 10392 na nag-aamyenda sa Anti-Hospital Deposit Law, labag sa batas ang panghihingi, pakikiusap, pag-uutos, o pagtanggap ng isang ospital o klinika ng deposito o ano mang klase ng paunang bayad bilang kapalit ng pagbibigay ng lunas para sa pasyenteng nangangailangan agad ng atensiyong medikal. 

Itinaas na ang multa ngayon sa P100,000 ngunit di lalagpas sa P300,000 para sa mga doktor, nars, o sino mang empleyado ng isang ospital o klinikang lalabag Anti-Hospital Deposit Law.

Dating P20,000 hanggang P100,000 ang multa sa mga lalabag sa batas na ito. 

Sakali namang ginawa ang paglabag sa batas dahil sa isang polisiya ipinatutupad ng ospital, pagmumultahin ng P500,000 hangggang P1 milyon ang direktor o opisyal ng ospital o klinika na responsable sa pagpapagawa at pagpapatupad ng nasabing polisiya. Dating nasa P100,000 hanggang P500,000 naman ang multa para rito. 

Mayroon ding opsiyon ang isang huwes na parusahan ng pagkakakulong ang mga lalabag. 

Maaari ring bawiin ang license to operate ng ospital o klinika sakaling lumabag sa batas nang tatlong beses. 

Mayroon ding mga bagong probisyon ang batas. 

May pananagutan ang ospital o klinika sakaling mamatay, maging baldado nang permanente, o magkaroon ng matinding pinsala sa kalusugan ang isang pasyente dahil sa pagtanggi ng pasilidad na i-admit ito. Gayon din kung makunan o magkaroon ng permanenteng pinsala sa kalusugan ng isang buntis. 

Kailangan namang i-file ang mga reklamong paglabag sa batas na ito sa health facilities oversight board sa ilalim ng Department of Health. 

Sa ilalim ng batas, kailangang i-reimburse ng PhilHealth ang halaga ng basic emergency care at transportation services na ginastos ng ospital o klinika. Hindi rin bubuwisan ang mga ginastos ng ospital para sa mga hikahos kung hindi rin ito ini-reimburse ng PhilHealth.

-- Ulat ni Dharel Placido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.