Murder suspect patay dahil 'nanlaban'; mga nakakita, iba ang kwento

ABS-CBN News

Posted at Aug 04 2016 10:20 AM

MANILA - Napatay ang isang lalaking aarestuhin sana para sa kasong murder matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa Makati, Miyerkules. Nasawi rin sa operasyon ang isang pulis.

Pero iba ang kwento ng mga saksing nagsabing patay na ang pulis bago pa man pumasok ang kanyang mga kasamahan sa bahay ng suspek.

Kwento ni Insp. Ronald Saquilayan, maghahain sana ang mga pulis ng arrest warrant para kay Angelo Tampos, residente ng Barangay Olympia.

Nang-agaw umano si Tampos ng baril kaya pinaputukan at napatay siya ng mga pulis.

Sa gitna ng komosyon, napatay ang isa sa mga rumespondeng pulis na si SPO4 Edmar Bumagat.

Hindi pinayagan ang media na makapasok sa crime scene at tanging ang paglabas lamang sa bangkay ni Tampos ang nakuhanan ng mga mamamahayag.

SUNOD-SUNOD NA PUTOK

Pero iba sa kwento ng mga pulis ang bersyon ni "Bettina," isa sa mga nasa lugar nang mangyari ang putukan.

Aniya, nakarinig na siya ng putok ng baril sa mismong pagpasok pa lamang ng mga pulis sa gate ng bahay ni Tampos.

"Marami pong putok, sunod-sunod po. Hindi ko po alam kung saan galing iyung unang lalaki, basta nakahilata na lang po siya, nabaril po. Una po iyung binaril, pangalawa po si Angelo."

Sinegundahan ito ng ibang nakakita.

"Dumating po iyung mga sasakyan nila. Bumaba po sila. Papasok po sana ako roon, bigla pong nagpaputok na," ani "Angel."

Sinabi rin ni "Bettina" na patay na ang pulis bago pa looban sa kanyang bahay si Tampos.

"Lumuhod po si Angelo noon, tapos pinagsusuntuk pa rin po iyung ulo, pinagtatadyakan. Noong bumangon po si Angelo, binaril po siya," dagdag niya.

Hindi na muna nagkomento ang Makati police ukol sa pahayag ng mga saksi lalo't gumugulong pa ang imbestigasyon sa insidente.

Hinihintay rin nila ang resulta ng isinagawang autopsy. -- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News