'US green card, ilalaan sa marunong mag-Ingles, may pera'

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 05:37 PM | Updated as of Aug 03 2017 08:49 PM

Isinapubliko ni US President Donald Trump at dalawang Republican senators nitong Agosto 2 sa Amerika ang panukalang sasala sa mga maaaring mabigyan ng 'green card', o permanent residency status.

Sakaling maisabatas ang panukalang RAISE Act, mangangalahati o hanggang 50% ang mababawas sa mga papayagang makapasok at manirahan sa Amerika sa pamamagitan ng legal immigration. 

Papaboran daw nitong bagong sistema ang mga aplikanteng marunong mag-Ingles, may kakayahang suportahan ang sarili at ang mga kaanak, at may skills na makatutulong sa ekonomiya ng Amerika. 

Lilimitahan din nitong panukala ang mga kaanak na maaaring ipetisyon ng immigrants sa Amerika.

Pagtitiyak din daw ito para hindi na makakuha ng ayuda o “welfare” ang mga bagong immigrants.

Ayon kay Trump, maiibsan ang kahirapan, tataas ang pasahod, at makakamenos din sa buwis ang mga mamamayan ng Amerika, oras na maamyendahan ang mga pamantayan sa pag-issue ng green card.

Green card ang nakasanayang tawag sa “permanent residency” card na ibinibigay sa mga taga-ibang bansa para legal na manatili, manirahan, at makapagtrabaho sa Amerika.

Pinabibilis din daw nito ang proseso para sa “citizenship” o ang pagiging mamamayan ng Amerika.

Dagdag pa ni Trump, hindi patas para sa mga mamamayan at manggagawa ng Amerika na ini-issue ang green card sa immigrants na tinawag niyang “low-skilled” at “low wage”.

Nakikipagkompetensiya pa raw tuloy ang mga mamamayan ng Amerika sa nasabing immigrants para sa trabaho.

Sa ilalim ng panukala, magtatakda ng bagong sistema ng pagbibigay ng puntos para maging kuwalipikado sa green card.

Naaayon din daw ito sa isinusulong ni Trump na “America first”.

Nasa likod nitong panukala ang mga senador ng Arkansas at Georgia. -- Ulat mula sa Reuters

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.