Payatas sanitary landfill, balak ipasara sa katapusan ng 2017

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 07:21 PM | Updated as of Aug 04 2017 12:10 AM

Balak nang permanenteng ipasara ng Quezon City government ang sanitary landfill sa Payatas sa katapusan ng taon.

Ayon sa city administrator na si Aldrin Cuña, inaayos na nila ang pagpapasara sa Payatas sanitary landfill dahil naabot na ang loading capacity nito.

Inaalam na lang din ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung saan itatapon ng lungsod ang mga basura nito bago isara ang landfill para masigurong walang magiging problema sa garbage collection. 

Sa Payatas sanitary landfill dumidiretso ang malaking bahagi ng mga basura ng nasa tatlong milyong residente at commercial establishments sa Quezon City. Umaabot sa 600 truck ng basura ang itinatapon dito araw-araw. 

Partially closed sa ngayon ang sanitary landfill at pinapayagan munang magtapon dito ang mga independent haulers, mga barangay sa Quezon City, at ang basura ng Camp Aguinaldo.

Binawasan muna ang pumapasok na truck dahil sa ulan dala ng habagat. Lumambot kasi ang lupa at maaaring mabalahaw ang mga truck.

Mga kumikita sa basura, balisa sa planong pagpapasara

Napapaisip naman ang mga may-ari ng junk shop sa napipintong pagsara ng sanitary landfill dahil maaaring mababawasan ang kikitain nila dala ng pagkaunti ng dadaang truck ng basura sa lugar.

Bukod sa mga nagtratrabaho sa junk shop, maapektuhan din ang kabuhayan ng higit 2,000 waste picker o mga nangangalahig ng basura sa landfill.

Ayon naman sa pamunuan ng landfill, may mga inilatag nang livelihood project ang contractor nito para hindi mawalan ng kita ang mga nabubuhay sa basura sa oras na magsara ang Payatas sanitary landfill.

Balak i-rehabilitate ang landfill kapag isinara na ito at gawing ecopark.

-- Ulat ni Carolyn Bonquin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.