Guwardiya ng Bilibid, arestado dahil sa droga sa brief

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 06:11 PM | Updated as of Aug 04 2017 12:08 AM

Arestado ang isang prison guard ng New Bilibid Prisons (NBP) matapos makuhanan ng hindi bababa sa 100 gramo ng hinihinalang shabu nitong Huwebes ng umaga.

Inaresto ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) ang prison guard na si Ernesto Dionglay Jr. matapos madiskubre sa loob ng kanyang brief ang hinihinalang shabu habang dumaraan sa employee entrance ng Bilibid. 

Aminado si Dionglay na alam niyang may kontrabando sa mga piitan pero hindi umano niya alam kung paano nakakapasok ang mga ito sa loob ng Bilibid.

Itinanggi rin ni Dionglay na gumagamit siya ng droga. 

Kuwento ng miyembro ng SAF na nakadiskubre ng droga, nag-iba ang kilos ni Dionglay nang makapa niya ang tila plastic mula rito.

Nagkakahalagang P500,000 ang hindi bababa sa 100 gramo ng shabu na nakuha mula sa naturang prison guard.

Pero ayon sa PNP, maaring maging triple pa ang halaga nito kapag binenta na sa mga preso. 

Mabilis namang dumating sa tanggapan ang misis ni Dionglay na buntis pa sa kanilang pang-apat na anak. Pero tikom ang bibig nito sa kinasasangkutan ng mister.

Pansamantalang nakadetine ang nasabing prison guard sa Muntinlupa na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.

Ayon sa Deparment of Justice, hindi nila kinukunsinti ang mga maling gawain ng kanilang mga tauhan at dapat lang na parusahan ang sinumang gumawa ng pagkakamali.
    
Dagdag pa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, iniutos na niya sa NBP na tutukang mabuti ang kaso ni Dionglay, imbestigahan ito, at sampahan ng kaukulang kaso.

Ayon naman kay Senior Superintendent Dante Novicio, chief of police sa Muntinlupa, may mga paraan ang PNP para masigurong hindi masangkot sa katiwalian ang kanilang mga tauhan. 

Pinapalitan anila ang mga PNP-SAF na nakatalaga sa Bilibid para maiwasang magkaroon ng 'familiarity'.

Kamakailan lamang ay nakasabat ng mga kontrabando gaya ng shabu at patalim nang magsagawa ng Oplan Galugad ang mga awtoridad sa New Bilibid Prison. 

-- Ulat nina Raphael Bosano at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.