Grab, Uber na ilang oras lang namamasada, ipagbabawal

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 09:29 PM | Updated as of Aug 03 2017 11:48 PM

Target ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipagbawal na ang accreditation ng Grab at Uber units na ilang oras lang kung mamasada. 

Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, mahigit 20 milyong sasakyan ang laman ng mga kalsada ng Metro Manila at karatig-lalawigan araw-araw.

Solusyon ng LTFRB, ipagbawal ang mga Grab at Uber na bumibiyahe ng nasa dalawang oras lang sa isang araw.
    
Sa Senate committee on public services, iginiit ng LTFRB na kailangan na talaga ng malinaw na guidelines sa transport network companies (TNC) at mga tumatakbo nilang accredited units.

Malaking tanong kasi sa gobyerno kung sino ang sasagot sa pasahero kapag naaksidente ito ng Uber o Grab unit.

Sagot naman ng Grab at Uber, may kinuha silang insurance para sa kanilang accredited driver at sa sakay nitong pasahero. Dagdag nila, agad din nilang inaaksiyunan ang natatanggap na reklamo.

Sa pagdinig, idinaing naman ng Philippine National Taxi Operators Association ang nakatengga nilang petisyon para sa hinihingi nilang dagdag-singil sa taxi. Taong 2000 pa umano ang umiiral na P40 flag down rate kaya maraming taxi driver ang nangongontrata.

Pinamamadali na ni Sen. Grace Poe sa LTFRB na desisyunan ang fare hike petition sa taxi.

Kaya ayon sa ahensiya, ilalabas na nito ang desisyon sa petisyon ng dagdag-singil sa taxi sa Setyembre. 

Bago matapos ang pagdinig, pinagsabihan ni Poe ang Grab at Uber na huwag na munang tumanggap ng bagong aplikasyon habang hindi pa nareresolba ang halos 14,000 pending application sa LTFRB.

Agad susundan ng serye ang pulong para bumalangkas ng panukalang batas na magdidikta ng malinaw na regulasyon para sa transport network companies, taxi operators, mga driver, at pati na proteksiyon ng mga pasahero. 

Target ng Senado na maisabatas ito sa unang bahagi ng taong 2018. 

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.