Exclusive: Ginang, idiniin ang mga Parojinog sa 'pagpatay' sa anak

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 06:14 PM | Updated as of Aug 03 2017 11:28 PM

Lumipas na ang 13 taon pero sariwa pa rin sa ginang na si alyas 'Nena' ang sinapit ng anak sa kamay umano ng 'Parojinog organized crime group'.

Kuwento ni Nena, pinatay ng grupo ang kanyang anak na si alyas 'Mark', at hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang bangkay ng biktima.

Miyembro umano ng Parojinog organized crime group ang anak na dati rin daw tauhan ng pamilya Parojinog.

Gusto na raw noon umalis sa grupo ng anak, pero pinagbantaang papatayin kapag umalis.

Hindi na kasi masikmura ni Mark ang ipinapagawa umano sa kanya ng grupo.

Ayon kay Nena, ikinuwento sa kanya ng anak na pinagagamit siya ng ilegal na droga at saka inuutusang mangholdap o kaya'y pumatay.

Nang malaman ng grupo na ayaw na ni Mark ang mga ipinagagawa, dinampot umano siya mula sa kanilang bahay at dinala sa bahay ng mga Parojinog.

Isang katrabaho ni Mark ang nagsabi raw kay Nena tungkol sa sinapit ng anak.

Ayon kay Nena, itinapon sa dagat ang labi ng anak at nilagyan pa umano ng semento ito para hindi lumutang.

Kaya naman nang mangyari ang raid sa mga Parojinog, pakiramdam ni Nena, dumating na ang hustisya para sa kanyang anak.

Ayon sa isa pang residente sa Ozamiz, takot umano ang mga residente sa mga Parojinog dahil pinapapatay daw ang mga kumokontra sa pamilya,

Bagay na pinabulaanan ni Ozamiz City Councilor Rizalina Francisco, tiyahin ng nasawing si Mayor Reynaldo "Aldong" Parojinog.

Aniya, gawa-gawa lang ang sinasabing organized crime group at maging ang alegasyong dawit sa ilegal na droga ang mag-anak.

Depensa rin ng abogado ng mga Parojinog na si Atty. Ferdinand Topacio, dapat sa korte dinggin ang lahat ng akusasyon laban sa mga Parojinog.

Itinanggi rin ni Francisco ang sinabi ni Ozamiz City Police Chief Insp. Jovie Espenido na nang maupo si Pangulong Duterte, may ipinagibang bahay ang mga Parojinog dahil doon nagaganap ang mga ilegal nilang transaksiyon.

Ani Francisco, babuyan lang daw ang naroon at maliit na bahay. Pinagiba rin daw iyon dahil sa anay.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.