Dating VP Binay, anak, pinakakasuhan ng Ombudsman

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 08:56 PM

Pinakakasuhan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ng mga kasong graft at falsification of documents sina dating Vice President at Makati Mayor Jejomar "Jojo" Binay at dating Makati Mayor Junjun Binay kaugnay ng pagpapatayo ng Makati Science High School Building.

Lumabas sa imbestigasyon ng Ombudsman na hindi nagkaroon ng maayos na bidding para sa P17.37 milyong kontrata ng pagpapadisenyo ng gusali na ibinigay sa kompanyang "Infiniti".

Pinalabas lamang umano na may anim na iba pang nag-bid pero lahat ng bid nila, lagpas sa budget.

May dalawang testigo ring lumantad para sabihing hindi sila sumali sa bidding. 

Ayon pa sa Ombudsman, peke rin ang lagda ng isa pang pinalabas na bidder para sa pagpapatayo naman ng mismong gusali. Pineke rin ang paglathala sa diyaryo ng "invitation to bid".

Sa Hilmarc's Construction Corp. napunta lahat ng kontrata para sa anim na phases ng pagpapatayo ng Makati Science High School Building na nagkakahalaga ng P1.33 bilyon.

Sa halip din na may apat na palapag pang dormitoryo, tanging ang 10 palapag na school building lang ang naipatayo.

Pinakakasuhan ang mag-amang Binay ng tigaapat na counts ng paglabag sa Sec. 3(e) ng "Anti-Graft and Corrupt Practices Act" at tatlong counts ng falsification.

Kasama nilang pinakakasuhan ang mga kasapi ng Makati City Bids and Awards Committee at ilang kawani ng Infiniti Architectural Works At Hilmarc's Construction Corp.

Bukod sa mga kasong kriminal, pinatatanggal din sa serbisyo at pinagbabawalan nang humawak ng anumang tungkulin sa gobyerno si Junjun Binay dahil guilty siya sa mga administratibong kaso ng "serious dishonesty, grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service". Forfeited o hindi na rin niya maaaring makuha ang kaniyang retirement benefits.

Sa isang pahayag, tinawag ng tagapagsalita ng mga Binay na si Joey Salgado na "witch-hunt" ang ginawa ng Ombudsman.

"The Ombudsman has time and again disregarded her agency's internal rules, due process and Constitutional rights to pursue her witch-hunt against former VP Binay and his family. Her recent move comes as no surprise. 

''The allegations have been answered, but apparently disregarded by the Ombudsman. It once again underscores the selective prosecution of the Binays and the Ombudsman's tendency to look the other way when other political personalities are involved."

Tiwala rin silang malilinis nila ang kanilang pangalan sa isang patas at walang kinikilingang pagdinig.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.