Brgy. San Roque sa Ozamiz City, tinaguriang 'shabu talipapa'

Joey Taguba, ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 06:34 PM | Updated as of Aug 04 2017 02:41 AM

Tinaguriang talipapa ng ilegal na droga ang Barangay San Roque sa Ozamiz City dahil taga-rito umano ang karamihan sa mga nahuli ng mga pulis.

Kilala sa bansag na "Lawis" ang Barangay San Roque, kung saan matatagpuan ang bahay ni Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at ng kanyang pamilya.

"Totoo 'yan kasi lahat naman na nagbenta galing Lawis...tapos we prove because we conduct a buy-bust operation in that place," ani Ozamiz City Police Chief Inspector Jovie Espenido.

Sa tala ng Ozamiz City Police, aabot sa 25 raid na ang isinagawa rito mula nang maupo bilang hepe si Espenido. 

Nasa 32 na taga-San Roque ang naaresto sa mga raid, habang nasa 16 ang mga namatay sa operasyon kontra ilegal na droga.

Sumang-ayon naman si Iligan City Mayor Celso Regencia sa bansag na "shabu talipapa" sa Barangay San Roque.

Dating hepe ng Ozamiz City Police si Regencia. Aniya, mahirap pasukin ang barangay dahil sa dami ng lagusan dito na nagpapahirap sa mga pulis.

Protektado rin umano ng mga pulitiko at matataas na opisyal ng pulisya ang mga sindikato't drug lord sa barangay.

Dati nang idineklarang persona non grata ng City Council si Regencia, at pinagbantaan rin umano siya ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan at pulisya tuwing nasasagasaan niya ang mga ito.

Pero giit ng residenteng si Dolores Acapulco, hindi talipapa ng ilegal na droga ang Barangay San Roque.

Aniya, kalabisan na ang sinasabing lahat silang mga residente sa barangay ay nagbebenta ng ilegal na droga.

Samantala, nag-aalala naman ang nakababatang kapatid ni Espenido na si SPO4 Ariel Espenido. Bago pa man umano ang raid noong Linggo ay nakakatanggap na ng death threat ang pamilya Espenido.

Aniya, pinagbantaan umano ang buhay nilang magkakapatid sa Cebu. Tinawagan rin umano sila ni Chief Insp. Espenido at pinag-iingat.

Ipinagdarasal na lamang ni SPO4 Espenido ang kaligtasan ng kapatid at ng kanilang pamilya dahil nauunawaan niya na kasama ang peligro sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Namatay si Mayor Parojinog Sr. at 14 na iba pa sa isang operasyong inilunsad ng Ozamiz City Police noong Linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.