Awtopsiya, nagpapakita ng panlalaban: PNP sa Ozamiz raid

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 06:39 PM | Updated as of Aug 03 2017 11:55 PM

Nagpositibo sa gunpowder residue ang walong bangkay mula sa Ozamiz raid na isinailalim sa paraffin test. Patunay umano ito na nanlaban ang kampo ng mga Parojinog sa isinagawang raid ng pulisya sa bahay ng alklade sa Ozamiz noong Linggo ng madaling araw, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Pahayag ng pulisya, sa 16 na bangkay, walo ang na-autopsy maliban kina Susan at Mona Parojinog. 

"Ang dalawa pong babae, si Susan at Mona Parojinog, were not anymore subjected to paraffin tests because there were no firearms recovered sa kanila sa tabi," ani Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP.

Magsasagawa naman ng motu proprio investigation ang Commission on Human Rights kahit wala pang nagsasampa ng reklamo mula sa pamilya ng mga nasawi sa Ozamiz.

Hihingi rin umano sila ng consent para makapagsagawa ng autopsy sa mga bangkay.

Samantala, nakakita naman ng 'probable cause' ang Department of Justice para kasuhan si Vice Mayor Nova Princess Parojinog ng 'illegal possession of firearms and ammunition'. Sasampahan din ng 3 counts ng parehong kaso ang kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr.

--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.