Drug den sa gilid at ilalim ng tulay, nabunyag

Dennis Datu, DZMM

Posted at Aug 03 2016 11:03 AM

MANILA - Nadiskubre ang isang drug den sa Juan Luna Bridge sa pagpapatuloy ng clearing operation sa Divisoria, Binondo, Maynila Miyerkules.

Tumambad sa mga awtoridad ang sari-saring drug paraphernalia nang gibain nila ang mga barung-barong na nakalambitin sa gilid hanggang ilalim ng tulay.

Nang imbestigahan, natuklasan na pinaparentahan ang mga kwarto sa ilalim ng tulay upang doon makagamit ng shabu.

Agad na naaresto ang may-ari ng mga kwarto na si Robert Rehio, na sinubukan pang magtago sa mga barung-barong.

Itinanggi ni Rehio ang paratang at iginiit na gumagawa lamang umano siya ng kariton.

Pinaghahanap pa ang misis ng suspek.

Ikinagalit naman ni Manila Police District station commander Supt. Amante Daro ang pagkakatuklas sa drug den lalo't nasa dulo lamang ng tulay ang Juan Luna police community precinct (PCP).

Dumipensa naman ang hepe ng Juan Luna PCP na si Chief Inspector Luis Guisic. Anya, "Last week and before, may huli tayo diyan. Hindi naman natin sinasadya na hindi natin malaman dahil nagko-cover-an s'ya ng vendor."

Sa kabila nito, nasibak din mula sa tunkulin si Guisac ngayong umaga, ayon na rin sa rekomendasyon ni Daro.

Trak-trak nang mga gamit at iligal na paninda ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa Juan Luna at Sta. Elena Street.