TINGNAN: Ilang parte ng Metro Manila, maagang binaha

ABS-CBN News

Posted at Aug 03 2017 06:40 AM | Updated as of Aug 03 2017 12:49 PM

MAYNILA - Maagang binaha ang ilang bahagi ng Metro Manila ngayong Huwebes dahil sa malalakas na pag-ulan na dulot pa rin ng pinalakas na hanging habagat.

Sa paligid ng Manila City Hall, dahan-dahan ang pagdaan ng mga sasakyan dahil sa gutter-level na baha. Ganito rin ang sitwasyon sa ilang bahagi ng Taft Avenue. 

Bumagal naman ang trapiko sa EDSA sa may Cubao dahil sa pagbaha sa Aurora Tunnel. May kaunting tubig-baha na rin sa EDSA - Whiteplains.

Batay naman sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), gutter-deep na ang baha sa EDSA Santolan Gate 5, Quezon Avenue-D. Tuazon, at EDSA Connecticut southbound. Ilang lugar na ang nagsuspende ng klase dahil sa malalakas na pag-ulan. 

Ayon sa PAGASA, patuloy na nakakaapekto ang habagat sa malaking bahagi ng bansa, partikular na sa Luzon, Metro Manila, Visayas at hilagang Mindanao. Asahan din ang thunderstorms.

Bukas inaasahan ng PAGASA na gaganda nang bahagya ang panahon, pero nakikita ng ahensiyang magiging maulan ang weekend dahil sa habagat. 

Para sa latest sa lagay ng panahon, tumungo sa ABS-CBN Weather Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.