Pari na 'nakipagkita' sa dalagita, nagpiyansa, pinalaya

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 01:35 PM | Updated as of Aug 03 2017 12:06 AM

Pinalaya matapos magpiyansa ng P120,000 ang paring nagtangka umanong dalhin sa motel ang isang menor de edad sa Marikina City.

Humaharap si Msgr. Arnel Fuentes Lagarejos sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 matapos umano nitong tangkaing makipagtalik sa 13 anyos na dalagita na nakilala niya sa pamamagitan ng isang bugaw na sinasabing menor de edad din, ayon kay Senior Superintendent Roger Quesada, hepe ng Marikina police.

Ipinag-utos na rin ni Chief Superintendent Romulo Sapitula, Eastern Police District director na magkaroon ng masusing imbestigasyon ng kaso kasunod ng mga ulat na nakipagkita na ang pari sa menor de edad nang dalawang beses at nakipagtalik na rin nang isang beses.

Ipinaliwanag naman ni Metro Manila police chief Oscar Albayalde kung bakit trafficking ang kaso kay Lagarejos at hindi rape.

"'Yong nangyari kasi dito, wala pa kasing lumalabas na intercourse pero nasa loob na sila ng [motel]. Kaya parang human trafficking," ani Albayalde.

Samantala, maaari naman umanong magsampa ng kaso ang mga magulang ng dalagita, ang Department of Social Welfare and Development o ang Philippine National Police. 

Naaresto ang 55 anyos na si Lagarejos sa isang entrapment operation noong Biyernes sa isang mall sa Sumulong Highway.

Sinibak na ang pari sa kanyang trabaho sa St. John the Baptist Parish at bilang presidente ng Cainta Catholic College habang patuloy ang imbestigasyon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.