Lalaking naghihintay sa kaibigan patay sa gitgitan ng pick-up, jeep

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 09:13 AM

MANILA - Patay ang isang lalaking naghihintay sa kanyang kaibigan sa bangketa matapos madamay sa gitgitan umano ng isang pick-up truck at jeep sa Marcos Highway sa Pasig, Miyerkoles.

Kuwento ng driver ng Ford Ranger na si Arjay Tua, 22, nawalan siya ng kontrol sa sasakyan matapos iwasang sumalpok sa isang jeep.

Dahil dito, sumampa ang pick-up truck sa bangketa at inararo ang outpost ng Pasig Traffic Parking Management Office.

Tumakas naman ang jeep na sangkot umano sa aksidente.

Natagpuan kinalaunan ang bangkay ng isang pedestrian sa dinaan ng Ford Ranger. Kinalala ito bilang si Marcelo Julian, residente ng Marikina at nagtatrabaho bilang kontraktor.

Ayon kay Bong Relano, sabay sana silang papasok ni Julian sa trabaho sa Rizal, pero dahil sa malakas na ulan ay nagkasundo silang maghintayan sa tapat ng isang mall sa lugar.

Nabalitaan na lamang aniya niya na may bangkay malapit sa mall at nang maki-usyoso ay nagulat siya na si Julian pala ang nasawi.

Hindi pa masabi ng mga imbestigador kung ang truck ang nakapatay kay Julian, ani PO2 Apollo Labrador.

Ito'y dahil aniya sa pahayag ni Tua na wala naman siyang nabanggang tao.

Gayunman, isasailalim sa medical test si Tua dahil amoy alak ito nang mangyari ang aksidente. Inamin din niyang galing siya sa isang birthday party.

Sasampahan ng reckless driving resulting in damage to property ang driver. Mahaharap siya sa mga karagdagang kaso sakaling mapatunayan nakainom siya at siya ang nakabangga kay Julian.

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.