Konduktor ng bus, 'nanghipo' ng pasahero

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 07:29 PM | Updated as of Aug 03 2017 12:14 AM

Hinahanap ngayon ng awtoridad ang isang konduktor ng bus na nakuhanang nanghihipo ng pasahero. 

Papuntang Cubao si Bayan Patroller Roxanne Tapia sakay ng Dagupan Bus galing Dau, Pampanga noong isang linggo nang bigla siyang tabihan ng konduktor at nakipagkuwentuhan sa kanya.

Natakot naman ang dalaga dahil tila hinahawakan ng lalaki ang kanyang ari habang nakikipag-usap sa kanya.

Sinubukan pa ng konduktor na makipag-holding hands ngunit sunod namang hinawakan ng konduktor ang hita ni Tapia nang bawiin niya ang kanyang kamay.

Nagsampa na ng kaso si Tapia laban sa konduktor. 

Ayon naman sa Dagupan Bus Company, hindi na sumipot sa terminal ang nasabing konduktor at paiimbestigahan na nila ang insidente.

Bukod kay Tapia, ilang Bayan Patroller pa ang nagreklamo matapos makaranas ng pambabastos habang nasa biyahe. 

Nagising sa bus sa Cavite ang isang Bayan Patroller nang maramdamang may nakahawak sa hita niya.

Kita pa sa cellphone video na hinihimas ng matandang lalaki ang tuhod ng Bayan Patroller.

Pinagtatanong na ng Cavite police ang pagkakakilanlan ng lalaki lalo't may ilang netizen na nagsabing nabiktima din sila ng matanda sa video.

Samantala, nangibabaw ang takot kay Bayan Patroller Cha Vinuya matapos makatabi sa jeep ang isang lalaking may malaswang ginagawa.

Hindi na rin siya nakaimik dahil sa takot sa lalaki.

Payo naman ng Philippine National Police sa mga commuter, huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa katabi sa sasakyan at sa driver.

Ayon pa sa awtoridad, puwedeng magsumbong sa barangay center o police station kapag nakaranas ng pambabastos sa pampublikong sasakyan.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.