Grupo, gumagamit ng mga batang 'tulak' sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 05:40 PM | Updated as of Aug 08 2017 01:21 AM

Patay sa engkuwentro ang lider ng isang grupo na gumagamit umano ng mga menor de edad sa kalakalan ng ilegal ng droga sa Smokey Mountain sa Maynila. 

Kinilala ang napatay na lider ng grupo na si Totoy Bernal. Ayon sa pulisya, naglabas ng baril si Bernal nang makatunog na pulis ang kanyang binebentahan ng droga.

Sa isang retrato bago nasawi sa operasyon ng pulis, may hawak pang baril ang suspek na si Totoy Bernal.

Inaresto rin ang anim na iba pa sa drug operation na ikinasa ng Smokey Mountain police at Manila Police District Special Operations Unit sa Tondo.

Matagal na umanong minamanmanan ng pulis si Bernal dahil kilala anila itong lider ng grupo na gumagamit ng mga menor de edad para gawing taga-deliver ng droga sa ilang lugar sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Senior Inspector Jervies Soriano, Smokey Mountain police community precinct chief, nasa edad walo hanggang 15 ang ginagamit ng grupo sa transaksiyon ng droga upang hindi ito maaresto.

Isinawalat din ng isa sa mga naaresto na may katransaksiyon siyang bata, umaga pa lang bago mangyari ang operasyon ng pulis.

Ayon pa sa pulisya, mga batang babae ang karamihan sa mga inuutusan ng grupo.

Sila ang apat sa mga menor de edad na babaeng ginagamit umanong 'drug courier' ng napatay na suspek.

Kinumpirma rin ng mga opisyal ng barangay at ilang residente na mga batang courier ang ginagamit ng grupo. Mga palaboy at ulila anila ang inaalok na mga ito para maging tagadala ng droga.

Ani Soriano, pinapakain ang mga batang courier at binibigyan ng pera kapalit ng pagdadala ng droga.

Kabilang sa mga ito ang isang 15 anyos na batang babae na nahuli ng barangay na may dalang P30,000 at shabu. 

Nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang dalagita kasama ang mahigit 20 pang menor de edad.

Ayon sa Manila police, hinahananap pa nila ang higit lima pang miyembro ng grupo sa Tondo, Maynila kung saan napag-alamang mga pamangkin na nila ang inuutusan para mag-deliver ng ilegal na droga.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.