'Calamity loan' ng SSS, buong ibibigay kahit may dating utang ang miyembro

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 08:30 PM | Updated as of Aug 03 2017 12:30 AM

Sinimulan na nitong Miyerkoles, Agosto 2, ang pagpoproseso ng Social Security System ng calamity loan para sa mga apektado ng sigalot sa Marawi at mga nasalanta ng lindol sa Leyte.

Makikinabang sa pautang ang libo-libong miyembro ng SSS na nasiraan ng bahay o ari-arian dahil sa mga nabanggit na sakuna. 

Kung dati-rati, kinakaltas muna ang lahat ng utang na mayroon ang isang miyembro bago i-release ang calamity loan, ngayon, buo nang maibibigay ang calamity loan kahit may existing loan ang miyembro.

Hanggang P16,000 ang puwedeng utangin, depende sa buwanang kontribusyon ng miyembro.

Puwedeng ring i-advance ng mga pensiyonado ang tatlong buwang pensiyon. Maaari ring kumuha ang mga active member ng house repair loan na hanggang P1 milyon at may pinababang interes. 

Isa ang pensiyonadang si Virginia Perocho ng Kananga, Leyte, sa mga nais i-advance ang tatlong buwang pensiyon para maipagawa ang bahay na nasira ng lindol.

Nais ding kumuha ng calamity loan ng taga-Pascuin, Ilocos Norte na si Efren Calad matapos masalanta ng bagyong 'Gorio'.

Isinailalim ng lokal na pamahalaan sa 'state of calamity' ang kanilang lugar.

Pero paliwanag ng SSS, kailangang may deklarasyon din muna ng 'state of calamity' ang National Disaster Risk Reduction and Management Council at maaprubahan ng SSS board para maka-avail din sila ng calamity loan.

Inilaaan ng SSS ang P74 milyong piso para sa mga nasalanta sa Marawi at bahagi ng Leyte.

Maaari namang itaas ng SSS ang calamity loan sa P30,000, pero kailangang i-adjust ang tinatawag na monthly salary credit na katumbas naman ng dagdag sa buwanang kontribusyon ng employer at manggagawang miyembro.

Kailangan ding aprubahan muna ng Malacañang ang anumang dagdag kontribusyon sa SSS.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.