2 sugatan sa pagsabog sa labas ng dormitoryo sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 06:19 PM

Sugatan ang dalawang menor de edad matapos sumabog ang isang granada sa labas ng isang dormitoryo sa Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Pasado alas-8 ng gabi nitong Martes, Agosto 1, nangyari ang pagsabog.

Ayon kay Chief Inspector Achmad Alibonga, hepe ng Datu Odin Sinsuat police, may dumaang magkaangkas sa motorsiklo at naghagis ng granada sa dormitoryo.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang magkapatid na biktimang naroon nang mangyari ang pagsabog.

Kasalukuyang nagpapagaling ang mga biktima sa ospital.

Noong nakaraang buwan lang, may iniwan ding isang sako sa labas ng dormitoryo.

Naglalaman ang sako ng mga pampasabog na imposible naman daw sumabog dahil walang wiring at detonating device.

Ayon sa Philippine National Police, malaki ang posibilidad na iisang grupo lang ang nasa likod ng pag-iwan ng mga pampasabog at paghagis ng granada. 

Sa ngayon, may lead na umano ang mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng insidente. Kinokompleto na lang nila ang kanilang imbestigasyon. 

-- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.