S. Cotabato provincial jail, siksikan na sa dami ng preso

Rean Hacosta, ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2016 05:26 PM | Updated as of Aug 03 2016 04:04 PM

SOUTH COTABATO - Hindi na kayang tumanggap ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center ng mga karagdagang inmates dahil siksikan na ang mga preso sa loob ng provincial jail.

Ayon kay Jail Warden Juan Lanzderas, umaabot na sa 1,148 ang bilang ng inmates ngayon—mas mataas ng 150% kumpara sa 500 na maximum na bilang ng mga inmates sa loob ng piitan.

Nasa 23 lang ang kanilang selda at dalawa ang isolation cells. Kung dati ay nasa 50 lang ang laman ng bawat selda, ngayon umaabot na sa 90 o mahigit.

Ayon sa ilang preso, gumagawa na lang sila ng paraan para maging kumportable ang kanilang pahinga, pero nangangamba sila dahil marami na raw sa kanila ang nagkakasakit dahil nagkakahawaan na dahil sa siksikan.

Ayon sa jail warden, kalahati umano sa mga preso ay may kaso na may kinalaman sa droga.

Lumobo umano ang bilang ng mga nakukulong simula nang inilunsad ng pulisya ang kanilang one-time bigtime operation at mas dumami pa nang magdeklara si Presidente Rodrigo Duterte ng giyera kontra iligal na droga.

Mas mabilis rin umano ang bilang ng nga inmates na pumapasok kaysa lumalabas ng piitan. Ito raw ay dahil mabagal ang paglitis sa kanila dahil sa kakulangan na rin ng mga prosecutor.

Sumulat na rin ang jail warden sa mga huwes sa South Cotabato na kung maaari ay huwag na muna silang mag issue ng commitment order para sa mga preso.

Kung patuloy na dadami ang preso, magkakaproblema ang pamunuan ng piitan sa seguridad dahil sa isang gwardiya, nasa dalawampu ang kanilang binabantayan. Malayo sa itinakdang walong binabantayan ng isang gwardiya.

Aminado naman ang probinsiya na hindi nila ito napaghandaan, pero target nila na sa huling quarter ng taon ay masisimulan na ang construction ng two-storey building na dagdag na selda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.