Mga opisyal ng Customs, ginisa ng Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 08:06 PM | Updated as of Aug 02 2017 01:29 AM

Maghapong sinabon ng mga kongresista ang mga opisyal ng Bureau of Customs kaugnay ng mahigit P6 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa ahensiya.

Pinagre-resign din ng mga mambabatas si Customs Commissioner Nicanor Faeldon. 

Sa umpisa pa lang ng pagdinig ng House committee on dangerous drugs sa mga opisyal ng Customs, pinatamaan na ng chairman ng komite na si Ace Barbers ang chief of staff ni Faeldon na nagbansag kay Speaker Pantaleon Alvarez na 'imbecile'.

Dahil hindi sinibak ni Faeldon ang kanyang chief of staff, pinagbibitiw naman sila ngayon nina Barbers at Alvarez dahil sa mga nakalusot na shabu na nasamsam ng mga awtoridad sa Valenzuela. 

Sinabi rin ni Barbers na kaya talamak ang shabu kahit may kampanyang war on drugs ang administrasyon dahil nakapupuslit ang nasabing droga sa Customs.

Nagmatigas naman si Faeldon, at sinabing hayaan na lang na ang Pangulong Rodrigo Duterte ang magtanggal sa kanya.

Ipinagtanggol din ni Faeldon ang trabaho ng kaniyang ahensiya.

Ipinagmalaki pa niya na sa loob lamang ng isang taon ay umabot na sa 834 ang nakansela o nasuspindeng importer ng BOC, kompara nitong nakaraang anim na taon na wala man lamang daw naparusahan.
 
Sinita rin naman ng mga kongresista ang Customs ukol sa kung bakit walang agent ng Philippine Drug Enforcement Agency sa mga drug raid.

Ibinunyag kasi ni PDEA agent Wilkins Villanueva na hinarang ni Faeldon ang controlled delivery ng lahat ng nasamsam na droga para makapaghain sila ng kaso sa consignee.

Ayon pa kay Villanueva, isang crate lamang ang pinayagan ni Faeldon na makuha ng PDEA.

Paliwanag naman ni Faeldon, hindi niya pinayagang makuha ng PDEA ang limang crate dahil madilim na at hinahabol niya ang oras para mas mabilis na makapaghain ng kaso.

Tingin naman ni Speaker, sinadyang pakialaman ang ebidensiya at baka hindi lang ito ang nakalusot sa shipment ng droga.

Itutuloy ng House Ways and Means Committee ang pag-iimbestiga sa Customs bukas ng Miyerkoles.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.