Gamot para di mahawa ng HIV, sinusubukan sa bansa

Carolyn Bonquin, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 06:07 PM | Updated as of Aug 02 2017 01:43 AM

Nangunguna na ang Pilipinas sa mga bansang lumolobo ang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa Asia and the Pacific region.

Ayon sa United Nations Programme on HIV/AIDS, sa loob ng anim na taon, mahigit doble na ang itinaas ng mga bagong kaso ng HIV sa bansa.

Ngayong 2017, umaabot sa 29 na kaso ang naitatala kada araw kumpara sa isang kaso kada araw noong 2008.

Sa datos ng Department of Health (DOH), umabot sa 4,300 na bagong kaso ng HIV infection ang naitala noong 2010.

Lumobo ito sa 10,500 na kaso noong 2016 at posibleng umabot sa 19,300 na kaso sa taong 2022.

Karamihan sa mga nagpo-positibo, mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki, at transgender women na edad 15 - 24.

Sa LoveYourself clinic sa Mandaluyong City, may 40 hanggang 100 na pasyente ang nagpapasuri sa HIV infection.

Sa bilang na 'yan, hanggang 20% ang nagpopositibo sa HIV.

Marami rin ang walang alam tungkol sa HIV.

Samantala 6% lang ang umiinom ng antiretroviral medicine na gamot na iniinom ng taong may HIV para bumaba ang kaniyang 'viral load' at maiwasang makahawa.

Para mapigilan ang paglobo ng mga kaso ng HIV, maglalagay na rin ng clinics ang DOH sa mahigit 100 lugar kung saan mataas ang kaso ng HIV kabilang ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Bulacan, Cebu, Davao, Cagayan de Oro, at Zamboanga.

Sinusubukan na rin sa bansa ang Pre-Exposure Prophylaxis o PREP.

Katuwang ng DOH ang LoveYourself clinic sa pamimigay ng gamot sa mga wala pang HIV para hindi mahawa.

Ayon sa DOH, napatunayan nang epektibo ang gamot laban sa pagkahawa ng HIV.

Ginagamit na rin ito sa maraming bansa, gaya ng Amerika at Thailand.

Sa Pilipinas, ngayong Hulyo sinimulan ang programa at nasa mahigit 30 na ang nagsimulang gumamit ng gamot.

Sa loob ng isang taon, 200 lalaking nakikipagtalik sa lalaki at transgender women ang target isama sa pag-aaral.

Epektibo ang gamot hanggang 99% laban sa HIV infection kung regular na iinumin.

Libre ang gamot pati ang konsultasyon sa doktor. 

Sa mga gustong sumubok ng gamot, maaaring direktang makipag-ugnayan sa LoveYourself clinic sa 0917-155-PREP o bisitahin ang kanilang website na www.loveyourself.ph para sa karagdagang impormasyon.

Paalala naman ng DOH, hindi ito proteksiyon laban sa iba pang sexually transmitted diseases.

-- May ulat ni Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.