Droga, itinago sa tray ng itlog sa kantina ng kulungan

ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 10:45 PM | Updated as of Aug 02 2017 01:23 AM

Daan-daang kontrabando ang nasamsam sa isinagawang 'Oplan Greyhound' sa mga kulungan sa Cebu at North Cotabato.

Isa sa mga ginalugad ang Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) kung saan nakapiit ang 'Cebu dancing inmates'.

Nakuha sa mga selda ang ilegal na droga, mga pera galing umano sa sugal, gadgets, mga patalim, at iba pang kontrabando.

Nakuha naman ang ibang pakete ng droga sa mga tray ng itlog sa kantina ng CPDRC.

Ayon kay Provincial Drug Enforcement Unit Chief Roland Alicer, nakatanggap sila ng report na may shipment ng shabu noong nakaraang linggo para sa CPDRC.

Kaya ginalugad ang limang selda ng kilalang 'drug inmates'.

Tiniyak naman ng pamunuan ng CPDRC na ginagawa nila ang lahat para hindi na makapasok ang mga kontrabando sa kanilang pasilidad.

Nasamsam naman sa Oplan Greyhound sa North Cotabato District Jail ang mga cellphone, improvised na mga patalim, yosi, pera, at sangkap sa paggawa umano ng pampasabog.

Dahil dito, inilipat na sa General Santos City Jail ang 20 high-risk inmates kasama ang Gonsang Brothers na tinangkang patakasin ng mga umatake sa kulungan noong Enero.

-- Ulat ni Carine Asutilla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.