16 kabataan, nakatakas sa rehab center sa Bulacan

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 08:00 AM | Updated as of Aug 01 2017 08:02 AM

Nakatakas ang 16 na batang preso sa isang rehabilitation center sa Malolos, Bulacan, Lunes ng gabi.

Pinagtiyagaang baliin at tanggalin ng 23 na preso ng Tanglaw Pag-asa Youth Rehabilitation Center ang rehas ng bintana sa banyo upang magkasiya at makatakas.

Dalawa lamang ang nakabantay na prison guard nang mangyari ang insidente.

Hindi namalayan ng mga guwardiya na pumunta pala sa ginagawang banyo sa ikalawang palapag ang ibang preso at isang guwardiya ng katabing Bulacan State University ang nakakita sa mga presong tumakas.

Agad namang napigilan ang 7 kabataan at dinala sa ospital kung saan sumailalim sila sa physical examination.

Nasa edad 14 hanggang 21 ang mga nakatakas at kabilang sa mga kasong kinasasangkutan nila ang theft, rape, drugs, at murder.

Nagsagawa naman ng malawakang manhunt operation ang pulisya para sa pagdakip ng 16 pang nakatakas.

Payo ng Malolos police sa publiko ang pag-iingat sa mga nakatakas, lalo na at hindi biro ang kanilang mga kinasasangkutang kaso.

- Umagang Kay Ganda, ika-1 ng Agosto 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.