140 pamilyang inilikas dahil sa sinkhole, nangangamba pa rin

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2016 08:01 PM

SOUTH COTABATO - Ang Silway 8 Elementary School pa rin ngayon ang nagsisilbing tahanan ng nasa 140 pamilya na dagling inilikas mula sa Honeyville Subdivision nitong Biyernes ng gabi dahil sa nakaambang panganib dulot ng sinkhole.

Nasa limampung metro ang buong circumference ng sinkhole, na may diameter na 25 metro at may lalim na 40 talampakan sa Purok Maunlad, Silway Otso, na katabi lang ng Honeyville Subdivision.

Kaninang umaga, mas lumaki pa ang sinkhole na umabot na ngayon sa 82 talampakan ang lawak at nananatili sa 40 talampakan ang lalim.

Sinuri na ng Mines ang Geosciences Bureau (MGB) ang lugar at sa inisyal na pagsusuri, nadiskubreng mayroong daluyan ng tubig sa ilalim ng lupa sa lugar kaya inaasahang mas lalawak pa ang sinkhole.

Hindi na muna pababalikin sa lugar ang mga residente hangga't hindi pa tapos ang pagsusuri ng MGB.

Bukas, muling isasailalim sa pagsusuri ang lugar para matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.