'Pulis napilitan lang magpaputok sa Ozamiz raid'

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2017 07:43 PM | Updated as of Jul 31 2017 11:08 PM

Bakas pa sa loob ng bahay ni Ozamiz Mayor Reynaldo "Aldong" Parojinog Sr. ang madugong raid nitong Linggo, Hulyo 30, na ikinasawi ng 15, kabilang na ang alkalde. 

Sira-sira ang kisame ng bahay na ni-raid, basag ang mga salamin, at may mga bahid pa ng dugo. 

Ayon sa Ozamiz City police station, may anim na search warrant silang dala dahil sa Violation of R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na ipatutupad sa mga bahay at farm nina Aldong, asawa nitong si Susan Parojinog, anak na sina Vice Mayor Nova Princess Parojinog at Reynaldo "Dodo" Parojinog Jr.

Habang isinasagawa naman ang raid, nakapag-Facebook live sa pangyayari ang anak ni Nova Princess.

Sa video, makikita ang paghahalughog ng mga pulis sa bahay ng bise alkalde. Nakuha nila ang isang bag. 

Bigla namang hinablot ni Vice Mayor ang isang papel at nakipag-agawan sa kaniya ang mga pulis. Nang maagaw ng mga pulis, saka nakita na isa itong listahan. 

Pinosasan na ang vice mayor pero hinarap niya ang mga pulis at paulit-ulit na sinabing 'planted' o itinanim lang ang mga makukuhang kontrabando sa kanilang bahay. 

Natatakot naman ngayon ang anak ni Vice Mayor para sa kanilang seguridad. Itinatanggi rin niya ang mga akusasyon laban sa kanilang pamilya.

Hepe ng Ozamiz police, dumepensa sa pag-alis ng CCTV

Inamin ni Ozamiz police chief Jovie Espenido na sinadya nilang kunin ang lente ng CCTV sa bahay ni Mayor para na rin umano sa seguridad ng kanilang mga operatiba. Baka raw kasi balikan ang mga operatiba kung matukoy sila.

Kuwento pa ni Espenido, ihahain pa lang nila ang search warrant sa bahay ng meyor nang biglang may nagpaputok umano ng baril sa kampo nito. Kaya napilitan daw ang mga pulis na gumanti ng putok.

Brownout din daw sa lugar kaya hindi nila makita ang mga taong nagpapalitan ng putok. 

Dagdag pa ni Espenido, may nagtangka ring maghagis ng granada sa mga pulis mula sa kampo ni Parojinog, pero naunahan nilang mabaril ang tao kaya naihagis ang granada kina mayor.

Giit ni Espenido, lehitimo ang kanilang search warrant na puwedeng ipatupad anumang oras.

Nasamsam ang pera, shabu, mga baril, pasabog, at iba pang kontrabando mula sa bahay ng mga Parojinog.

Kapitbahay ng mga Parojinog, nagimbal sa madugong raid

Nabulabog maging ang mga kapitbahay dahil sa sunod-sunod na putok ng baril nang magsagawa ng raid sa mga Parojinog. 

Ayon sa isang residente, mistulang bagong taon sa ingay ng mga umalingawngaw na putok ng baril.

Nanawagan naman ang supporters ng mga Parojinog ng mas malalim na imbestigasyon sa insidente. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.