Pari, 2 beses nang 'nakipagkita' sa dalagita bago nahuli

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2017 06:09 PM | Updated as of Jul 31 2017 11:30 PM

Ikatlong beses nang 'nakikipagkita' sa 13 anyos na dalagita ang paring pinagbibintangang magpupuslit sana sa motel nitong Biyernes, Hulyo 28, ng menor de edad, lumabas sa imbestigasyon ng Marikina City police. 

Ayon sa pulisya, hindi alam ng 55 anyos na si Msgr. Arnel Lagarejos na natimbrehan na ng ina ng dalagita ang mga awtoridad tungkol sa ginagawa ng pari.

Dalawang beses na raw na-'book' noon ng kura paroko ng Taytay, Rizal ang dalagita bago nadiskubre ng ina ng biktima na may nangyayari sa kaniyang anak. 

Nasampahan na ang suspek ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at nananatili siya sa detention area ng Marikina City Police Station. Nasa kustodiya naman ng Department of Social Welfare and Development ang 13 anyos na biktima.

Sinubukang ng ABS-CBN News na makuha ang panig ni Lagarejos pero tumanggi siya sa anumang panayam.

Ayon kay Bishop Francis De Leon ng Diocese of Antipolo, na-relieve na si Lagarejos sa kaniyang mga trabaho at responsibilidad bilang pari matapos siyang masampahan ng kaso. 

Nadismaya at nabagabag sa eskandalo si Fr. Robert Reyes na kaibigan ni Lagarejos noon pa mang mga seminarista pa lang sila.

Ikinalungkot niyang nasangkot ang kaibigang pari sa isyu at nasasaktan din daw siya para sa menor de edad na biktima.

Panalangin niya na lang na sana'y kumapit lalo sa Diyos si Lagajeros at humanda ring tanggapin ang kahihinatnan ng kaniyang paglabag sa batas.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.