Lalaking nambato ng mga sasakyan sa QC, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2017 09:32 PM | Updated as of Jul 31 2017 11:23 PM

Arestado ang isa sa tatlong lalaking nambato ng limang sasakyang nakaparada sa Pingkian Village na sakop ng Barangay Pasong Tamo sa Quezon City.

Agad na dinala sa barangay hall ang suspek na nakilalang si Marlon Madula matapos habulin ng mga barangay tanod.

Reklamo ng mga biktima, basag ang salamin ng kanilang mga sasakyang pinuntirya ni Madula at dalawa pa niyang kasama.

Hindi pa umano nakuntento ang tatlong suspek at pinagbabato rin nila ang barangay outpost at kalapit na eskuwelahan na nabasag din ang salamin. Naiwan pa nila roon ang mga tipak ng batong kanilang ginamit.

Ayon naman sa mga opisyal ng barangay, posibleng lasing ang mga suspek nang gawin ang krimen. Samantala, aminado naman si Madula sa nagawa.

Humingi ng tawad si Madula at sinabing nakainom lang siya kaya nagawa niya ang pambabato.

Tukoy na rin ng Quezon City Police District ang dalawa pang suspek na nagtatago at tumakas matapos ang insidente.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.