Kunwaring K-pop chat, kumokolekta ng larawang hubad ng mga nene

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2017 07:03 PM | Updated as of Sep 27 2017 10:14 AM

Arestado sa isang entrapment operation ang isang 21 anyos na lalaki na bumuo ng isang group chat na nanghihikayat sa mga batang babaeng miyembro na maghubad para makasali sa grupo. 

Isinuplong ng ina ng 11 taong gulang na babae sa Moriones, Tondo police si Raffa Paul Reyes na pinaghuhubad umano ang kanyang anak sa Facebook at tinangka pang ikalat ang mga larawan ng menor de edad. 

Ayon sa biktimang grade school student, paborito niya ang Korean singers kaya sumali siya sa group chat sa Facebook na para umano sa K-pop fans.

Lingid sa kaalaman ng dalagita na sex chat group pala ang nasalihan niya.

Kuwento pa ng biktima, nag-message si Reyes sa kanya at sinabing kailangan niyang magpadala ng retrato na naka-underwear para makasali siya sa grupo.

Pero nag-request pa si Reyes na magpadala ng hubad na larawan ang dalagita kung hindi ay ikakalat niya ang mga unang larawan ng menor de edad.

Nadiskubre ng ina ng biktima nang makita nila ang mga hubad na larawan ng anak sa kanyang cellphone.

Dahil patuloy ang pag-chat ni Reyes sa dalagita at hiniling pa nito na makipagkita na sa kanya ang biktima, nagsumbong na sila sa pulis kaya naaresto si Reyes. 

Narekober sa suspek ang cellphone na maraming picture ng mga topless na babaeng gradeschool students.

Nananawagan naman ang Moriones, Tondo police sa iba pang biktima ni Reyes na magsumbong para masampahan ito ng kaukulang kaso tulad ng child abuse. 

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.