Ulat na napatay ang isa pang Maute leader, kinukumpirma ng militar

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2017 06:53 PM

Bineberipika ngayon ng militar ang impormasyong napatay na sa bakbakan ang Maute leader na si Abdullah Maute.

Ayon kay Capt. Jo-Ann Petinglay, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, inaalam nila ngayon kung saan ang eksaktong kinaroroonan nitong terorista o ng kaniyang labi.

Patuloy ring binabantayan ng militar ang mga sibilyang lumalabas sa war zone dahil sa mga report na kinakabitan umano sila ng bomba para maging sucide bomber.

Bantay sarado din ngayon ng militar, pulisya, at coast guard ang Lanao lake dahil iyon na lang ang puwedeng rutang gamitin ng mga tumatakas na Maute.

Ayon sa Western Mindanao Command, nasa 80 pang hostages ang hawak pa rin ng Maute.

Nagbigay na ang U.S. Military ng nasa 1,000 rocket para sa mga jet fighter ng Air Force. May darating pang 1,000 grenade launcher mula din sa Amerika.

Tuloy-tuloy naman ang pagpapatayo ng mga temporary shelter para sa mga nawalan ng bahay sa Marawi. Pero nilinaw ng Task Force Bangon Marawi na puwede lang tumira roon ang mga residente kapag natapos na ang giyera dahil may mga bumabagsak pa ring ligaw na bala sa lugar. 

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.