VIRAL: Pulis na nakipagtalo sa 2 binatilyo, 'beast mode' sa bagong video

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2017 07:22 PM

Kumakalat sa social media ang bagong video ng umano'y pambabastos at pagmumura ng pulis na kamakailan lang ay nakunan ding nakikipagtalo sa dalawang binatilyo nang may nakasukbit na baril sa baywang.

Sa cellphone video na kumakalat sa Facebook, makikitang nagagalit sa mga binatilyong nagbibisikleta sa may Baywalk ang lalaking naka-sando at jogging pants.

Ayon sa nag-post na tumangging humarap sa camera, pinaalis, minura, at sinabihan pa aniya sila ng bastos
    
Pamilyar naman sa mga netizen ang nasabing lalaki dahil ayon sa Southern Police District (SPD), siya rin si PO2 Manuel Taytayon.

Nag-viral si Taytayon kamakailan lang matapos mabidyuhang nakikipagtalo sa magkapatid na binatilyo habang may baril na nakasukbit sa kanyang baywang.

Dahil sa insidente, inalis na sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde si Taytayon. Sinampahan din siya ng magkapatid ng kasong child abuse.

Pero nagsampa na rin ng kontra-demandang libel at cyber bullying si Taytayon laban sa magkapatid dahil sa pag-post nila ng insidente sa social media na sumira umano sa kanyang pagkatao.

Ayon sa tagapagsalita ng SPD, isasama nila ang bagong video sa kanilang imbestigasyon.

Hinikayat din nila ang nag-upload ng bagong video na maghain ng reklamo laban kay Taytayon.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.