Ombudsman, pumalag kay Duterte tungkol sa mga imbestigasyon

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 07:52 PM | Updated as of Jul 29 2017 02:50 AM

Pumalag si Ombudsman Conchita Carpio Morales sa aniya'y pakikialam ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga imbestigasyon ng kanyang tanggapan sa mga sundalo at pulis. 

Sa press conference ni Pangulong Duterte matapos ang kanyang State of the Nation Address nitong Lunes, sinabi niya na poprotektahan niya ang kanyang mga sundalo at pulis. 

Kasunod ito ng pagprotekta rin sa kanila ng Pangulo sa imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR).

Tulad ng CHR, pinalagan ng Ombudsman ang animo ay pagtangka ng Pangulo na maliitin ang mga institusyong naatasan para sa checks and balances sa gobyerno.

Matapang na sinagot ni Ombudsman Morales ang pagkontra ni Pangulong Duterte sa mga imbestigasyong kinakaharap ng mga pulis at sundalo. 

“Anong pakialam niya? Under the law we have subpoena powers,” ani Morales.

“There is no law which requires a soldier or a policeman or any respondent for that matter to seek clearance from anybody,” ani Morales.

Palaban din ang sagot ni Morales sa patutsada ni Pangulong Duterte at ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa tila malabnaw na kasong isinampa ng Ombudsman laban kay dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III kaugnay ng Mamasapano tragedy.

Iginiit ni Morales na wala siyang planong mag-inhibit sa Mamasapano case na inaapela ngayon ni dating Pangulong Aquino at ng VACC. -- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.