Nagdala ng fruit basket, sumalisi ng P400,000 ari-arian

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 06:58 PM | Updated as of Jul 29 2017 02:33 AM

Natangay ng 'Gapos Gang' ang aabot sa P400,000 halaga ng mga gamit matapos salakayin ang isang bahay sa subdibisyon sa Antipolo City. 

Sa kuha ng CCTV noong tanghali ng Hulyo 10, makikitang pumarada ng may limang minuto sa harap ng bahay ng negosyanteng si Jonathan Tiburcio ang isang kotse.

Umalis maya-maya ang kotse ngunit bumalik din agad. Bumaba rin ng sasakyan ang isang babaeng may bitbit na fruit basket.

Nang mag-doorbell ang babae mula sa kotse, saka lumabas ang kasambahay, binuksan ang gate at kinuha ang iniabot ng babae na fruit basket.

Kuwento ni Tiburcio, sinabi ng babae na pinabibigay ng nagngangalang 'Cherry' ang fruit basket ngunit hindi naman niya ito kilala. 

Ayon naman sa kasambahay, tinanggap niya ang fruit basket dahil nabanggit ang pangalan ng kanyang amo at hindi niya naisip na modus ito dahil babae ang nagbigay nito.

Bumalik ng kotse ang babaeng nag-abot ng fruit basket habang pumasok naman ng pintuan ang kasambahay ngunit dahil may dala, hindi niya nai-lock ang gate.

Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon ang apat na kasama ng babae na makapasok sa loob bahay. May bitbit pang martilyo at bareta de kabra ang isa sa kanila.

Sa isang camera, kita namang tinutukan ng baril ng isa sa mga suspek ang kasambahay. 

Matapos ang nasa 20 minuto, magkakasunod na lumabas ang mga lalaki bitbit ang mga nakuhang gamit, kabilang ang vault na pinagtulungang buhatin ng dalawang tao. 

Ayon sa mga biktima, ginapos ng lubid at packing tape ang kanilang mga kamay at paa habang sinuotan naman ng pillow case ang ulo ng kapatid ni Tiburcio saka pinadapa at tinakot.

Aabot sa P400,000 halaga ng mga gamit ang natangay ng mga suspek kabilang ang dalawang baril, laptop, apat na cellphones, at mamahaling mga sapatos.

Malakas naman ang kutob ni Tiburcio na kilala at na-profile na siya ng grupo. Aniya, alam ng mga ito ang oras ng kanyang alis dahil kaaalis niya lamang nang dumating ang mga ito.

Na-trauma naman ang kasambahay sa nangyari.

Umaasa si Tiburcio na mabilis na matutukoy at mahuhuli ng Antipolo police ang grupo sa tulong ng CCTV.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.