Misis ni Speaker, nagmahal, nasaktan, nagsalita na

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 11:19 PM

Nagsalita na ang misis ni House Speaker Pantaleon Alvarez kaugnay sa kanilang relasyon at sa panukalang batas ni Speaker para sa dissolution of marriage.

Hindi na sumipot ang asawa ni Alvarez sa State of the Nation Address noong Lunes upang makaiwas sa kontrobersiya. 

Sa kabila nito, abala naman si Mrs. Emelita Alvarez sa mga proyekto ng Congressional Spouses Foundation.

Gayumpaman, hindi maitanggi ni Mrs. Alvarez na masakit pa rin ang hiwalayan nilang mag-asawa.

"For me, life should go on. Nothing had changed. I wouldn’t say there's no pain because that’s being hypocrite. As I’ve told you, my faith is strong. For a woman, masakit 'yon, ‘yon na lang," aniya.

Aminado si Mrs. Alvarez na matagal na niyang alam na may ibang karelasyon si Speaker, pero noong isang taon lang umalis sa kanilang bahay ang mister.

“They're saying that we're separated for several years which is not true, actually. I was abandoned right after SONA when he became the Speaker."

Sa kabila nito, hindi pa handa si misis na talikuran ang kanilang pagiging mag-asawa ni Speaker. 

“Sabi nga nila, di ba, I've been there for 30 years, I’ve been there through ups and downs, everything, I campaigned. You may call it love or am I just being an imbecile? No, I’m just joking. For me, why will I give up? My relationship is not illicit. ‘Yung sinasabi mong 'to go on', ito yung mga illicit affairs eh, but mine is not, so I just leave it up to God."

Sinamahan ni Elenita ang asawang si Pantaleon Alvarez noong araw ng panunumpa nito. Photo from House of Representatives

Hindi matanggap ni Mrs. Alvarez ang panukalang batas ni Speaker para sa mabilis na ‘dissolution’ o paghihiwalay ng mga kasal. Sabi niya, dehado palagi ang babae sa hiwalayan. Hindi rin siya naniniwalang dapat ay maging prayoridad ng Kongreso ang nasabing panukalang batas.

“Sana lang 'yung priority bills ng Congress would be something that would help the President. For me, this is not a priority bill because number one, I’m talking now, I’m speaking in behalf of the Filipino people.”

Dagdag niya, malabong dahilan para sa hiwalayan ang pagiging hindi na maligaya.

“Dapat sa mag-asawa, magkasama kayo sa hirap at ginhawa. Ako, nandoon ako all the time, sa hirap. ‘Yung happiness, ewan ko na lang."

Handa raw siyang makipaghiwalay nang tuluyan kay Speaker kung ito ang makapipigil sa panukalang batas ng asawa.

“I could be a sacrificial lamb. I could even file the separation of marriage anytime just to save the Filipino people, kung ‘yon lang naman ang problema, di ba? Huwag na nating idamay ang mga babae dito sa Pilipinas."

May gusto rin siyang iparating sa bagong karelasyon ni Speaker.

“Sana lang na in the end, she would realize mahirap din ‘yong pamilya na magkawatak-watak."

Sa ngayon, mensahe ni Mrs. Alvarez sa mga mambabatas na isipin ang kapakanan ng bayan sa pagtalakay nila sa panukalang dissolution of marriage. 

Sinubukan namang hingan ng reaksiyon ng ABS-CBN si Speaker Alvarez pero hindi pa siya nagbibigay ng komento sa panayam ng kanyang misis. 

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.